INIHAYAG ni Sen. Cynthia Villar, advocate ng urban gardening, na muling binuksan ang Villar SIPAG Farm School sa Bacoor at nagsimula na ulit ang pagsasanay sa agricrops production na pansamantalang isinara noong Marso sanhi ng lockdown.
Itinayo ni Villar, chairperson ng Committee on Agriculture and Food at director ng Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance (Villar SIPAG), ang mga farm school sa Las Pinas at San Jose del Monte City sa Bulacan para isulong ang agrikultura sa urban areas.
Matatagpuan ang unang Villar SIPAG farm school na pinasinayan noong 2015 sa apat na ektaryang lote sa boundary ng Las Piñas City at Bacoor, Cavite.
Ang San Jose Del Monte Farm School na binuksan noong October 2016 ay nasa 4 ektaryang lupa sa San Jose Del Monte, Bulacan.
May training areas, dormitories, farm houses at kitchen areas ang dalawang farm schools.
Itinatampok din dito ang vermi-composting facilities, kitchen waste composting facilities, greenhouses, spaces para sa livestock production, aquaculture at cacao plantation sa ilalim ng coconut trees.
May mga panahong tatlong beses sa isang taon ang training programs sa Agri-Crops Production sa dalawang farms schools.
Dahil sa umiiral na health protocols, pinaikli ang sessions sa buong apat na araw sa 2 meeting bawat linggo sa halip na regular na tatlong buwang kurso na may 12 sessions.
Magkakaroon ng 20 kalahok sa bawat batch sa halip na regular na 200 kalahok sa bawat batch.
Sa ngayon, magiging katulad na rin ng iba pang kurso ang agri crops production.
Magkakaroon ito ng 25 estudyante bawat batch. Puwede ang mga kabataan pero hindi pa papayagan ang mga bata (0-20 years old), ang matatanda (60 years old above) at ang may high-risk health issues. Kailangan pa nilang mag-abang sa notice.
Sa pakikipag-partner sa East-West Seeds Foundation, ibinibigay ng Villar SIPAG ang agri-crops training nang libre.
Layunin ng site-based program na bigyan ang mga kalahok ng kapasidad sa basic knowledge at skills sa vegetable production–mula land preparation hanggang harvesting, kabilang ang urban gardening at nutrition education.
Ayon kay Villar, matutulungan ng programa ang publiko sa home gardening. Mabibigyan din sila ng ‘ready source’ ng pagkain ngayong panahon ng health emergency. ESTONG REYES
