NILIMITAHAN na ni Communications Secretary Martin Andanar ang pagsi-share ng posts sa official social media pages ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Ito’y matapos kumalat ang false information ukol sa prangkisa ng ABS-CBN.
Sa isang department order na nilagdaan, araw ng Lunes, sinabi ni Sec. Andanar na ang pagsi-share ng posts mula sa ibang pages ay “strictly be limited” sa live streaming ng news events at briefings ng piling opisyal ng pamahalaan.
Kabilang na rito ang events at briefings ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Presidential Spokesman Harry Roque, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, inter-agency task force on COVID-19, at news and public affairs programs ng state-run media outlets.
Ang hakbang na ito, ayon kay Sec. Andanar ay “to ensure content consistency.”
Sa kabilang dako, ipinalabas ang kautusan matapos gamitin ang social media accounts ng PCOO at Philippine Information Agency sa pagbahagi ng post ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na naglalaman ng false information tungkol sa ABS-CBN at sa prangkisa nito.
Ang shared posts ay nag-aakusa sa ABS-CBN ng franchise violations at sinisisi ang network sa pag-expire ng broadcast permit nito.
Si Andanar, dating journalist, ay itinatwa ang posts na lumabas noong Sabado at nagsabing “was done without the usual vetting process” ng PCOO.
“That being said, the posted content is not in any way an official statement or an opinion of the PCOO. The issue regarding ABS-CBN Corporation’s network franchise remains within the purview of Congress,” ayon kay Sec. Andanar. CHRISTIAN DALE
