PATULOY ang pag-atake ni Pangulong Duterte kay Sen. Richard Gordon, nangunguna sa Senate probe sa pandemic deals ng pamahalaan.
Para sa pangulo, panahon na para bumaba sa Philippine Red Cross si Gordon bilang chairman nito.
Sinabi ni Pangulong Duterte na mandato ng batas na atasan ang PRC na magsumite ng annual reports sa kanilang finances sa pangulo, honorary chairman ng PRC.
Ani Pangulong Duterte, si Gordon, chairman at CEO ng humanitarian organization, ay nabigong gawin ito.
“Boy scout pa ako noon, Red Cross na ‘yan siya… Ikaw Gordon, mahilig ka mag-imbestiga ng anomalya, katiwalian, pero pagdating sa iyong Red Cross na hinawakan mo parang propriedad mo, for the longest time, hindi ka na natanggal d’yan,” ang pahayag ng pangulo.
“Dapat palitan ka na, pero kontrolado mo kasi. Napapaiyak tuloy ako sa ‘yo, sandali,” aniya pa rin.
Si Gordon ay tumayong chairman ng PRC simula noong 2004.
Wala namang nakikitang dahilan si Sen. Sherwin Gatchalian, bahagi ng PRC Board of Governors, para bumaba sa puwesto si Gordon. Ang mga opisyal aniya ng PRC ay hinahalal kada matapos ang dalawang taon. (CHRISTIAN DALE)
