PAGSUNOD SA SBMA BOARD RESOLUTION NG USED TRUCK TRADERS SA SUBIC FREEPORT

NAGPASA ng resolution ang Subic Bay Metropolitan ­Authority (SBMA) may apat (4) na taon na ang nakararaan, upang palipatin ang traders ng “used trucks” at “heavy equipment” mula sa sentro at kapatagan ng Subic Freeport tungo sa Tipo Area na ilang kilometro ang layo.

Ito Ang Totoo: ang paglipat sa naturang traders ay bahagi ng Zoning Plan ng SBMA, para nga naman may kaayusan ang kinalalagyan ng magkakapareho at magkakaugnay na negosyo, hindi sala-salabat na parang hinalong kalamay.

Isa sa magandang dahilan ay ang pagtiyak na matutupad ang mga patakaran, lalo na sa mga negosyong may “health at environmental hazard” tulad nga ng traders ng “used trucks” at “heavy equipment” na may “used oil, asbestos,” at iba pang bagay na panganib hindi lang sa Subic Freeport kundi pati sa mga kalapit na komunidad tulad ng Olongapo.

Ito Ang Totoo: maraming nais magtayo ng ibang negosyo na walang katulad na panganib sa kalikasan at kalusugan ang nakahandang magpanukala sa SBMA.

Pero ang siste, tila nais pang baliin ng traders ang magandang plano at desisyon ng SBMA Board. Idinadahilan na hindi pa raw handa ang paglilipatan, walang kuryente, tubig at internet, etc.

Ito Ang Totoo: ­napatunayang hindi totoo na wala pang ­kuryente, tubig at internet sa Tipo. ­Katunayan, sa Tipo, ang nag-aabang sa kanilang mga yarda ay may bubong pa, dingding at maayos ang pagkakalatag ng mga gusali at daan dahil ­sadyang plinano para sa traders ang ­konstruksiyon.

Pagkapasa kasi ng SBMA Board Resolution noong 2018, may mga investors nang namuhunan para sa pag-develop ng Tipo area na noo’y bulubundukin at kagubatan. Bilyon-bilyong piso ang puhunan at ngayon ay dinudugo na ng pera ang developers na naniwala sa SBMA Board resolution.

Ito Ang Totoo: deadline sa April 30, 2022 ng huling ibinigay na palugit ng SBMA Board sa pamamagitan ng dating SBMA Chair & Administrator Wilma T. Eisma, at muli, may resistance ang traders.

Gayunman, may “Win-Win Solution” si bagong SBMA Chairman & Administrator Rolen C. Paulino, Sr.

Ipatutupad ang deadline na April 30, 2022 pero papayagan pa ring manatili sa kasalukuyang kinalalagyan ang traders sa kondisyong kukuha na at magkokontrata na, hindi “reservation”, sila ng yarda o warehouse sa Tipo area.

Habang wala pa namang gagamit ng iiwanan at babakantehin ng traders, pwede nga naman na ituloy lang muna nila ang paggamit sa kinatitirikan sa kasalukuyan.

Ito Ang Totoo: pinulong ni Chairman Paulino ang traders, kapwa mga opisyal at miyembro ng kanilang asosasyon, pinaliwanagan at pumayag naman sila sa “Win-Win Solution”.

Malapit na ang April 30, 2022 pero tingnan natin kung paninindigan ng traders ang pagtupad sa usapan o patuloy na susuway sa naturang SBMA Board resolution?

Sabi naman ni SBMA Chair Paulino, kung hindi susunod ang traders sa kasunduang “Win-Win”, hindi sila mabibigyan ng Certificate of Registration and Tax Exemption (CRTE) na katumbas ng lisensiya.

Ang SBMA Board Resolution 20-09-1783 ay “landmark” resolution na may magandang pangmatagalang hangarin para sa Freeport at hindi dapat basta sinusuway ng mga negosyante, lokal man o dayuhan. Ito Ang Totoo!

135

Related posts

Leave a Comment