THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
MAHALAGANG usapin sa bansa ang pangangalaga ng kapakanan ng mga hayop dahil hindi maikakailang marami pa ring mga tao na nagmamalupit sa kanila.
Noong 2020, iniulat ng Compassion and Responsibility for Animals (CARA) Welfare Philippines ang 3,000 kaso ng pagmamalupit sa hayop at kabilang sa mga karaniwang anyo ng pang-aabuso ang pambubugbog, pagsipa, pagsunog, at pagkatay sa mga hayop.
Hindi natin maikakaila na malapit ang loob ng maraming Pilipino sa mga hayop. Mula sa ating sariling mga alagang hayop hanggang sa mga hayop sa lansangan, madalas tayong nakararamdam ng malasakit at pagmamahal sa kanila. Para sa marami, itinuturing nang miyembro ng pamilya sa maraming tahanan ang mga alagang hayop.
Kaya naman hindi nakapagtataka na mabilis mag-viral sa social media ang mga kwento ng hayop—mga kuwento ng pagsagip, pagmamahal, o kahit simpleng kabutihang ipinakikita ng mga ito. Marahil, dahil nakikita rin natin sa mga hayop ang mga katangiang gusto nating makita sa kapwa tao — pagmamahal na walang hinihintay na kapalit, katapatan, at pagiging totoo.
Sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng mga hayop sa Pilipinas, may mga organisasyong nagsusulong ng kanilang kapakanan kagaya ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS), na itinatag noong 1954 bilang isang volunteer-based na non-government organization na naglalayong maiwasan ang kalupitan sa hayop sa pamamagitan ng edukasyon, pangangalaga, at adbokasiya. Mayroon silang animal shelter na kasalukuyang kumakalinga sa mga aso at pusa na-rescue mula sa pagmamalupit o pagpapabaya.
Isa pang grupo ay ang CARA Welfare Philippines na isang non-profit organization na nagtataguyod ng spaying at neutering upang makontrol ang populasyon ng mga hayop sa lansangan at nagtataguyod ng responsableng pag-aalaga ng alagang hayop.
Kabilang din sa may adbokasiyang nagsusulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga hayop ang Animal Kingdom Foundation.
Para sa mga indibidwal na may parehong adbokasiya, magandang oportunidad ang pakikipagtulungan sa mga ito para isulong ang animal welfare.
Pero bukod sa mga grupong ito, marami pang mga institusyong kasama sa ganitong adbokasiya kagaya ng Procter & Gamble, Biyaya Animal Care at General Mills na may kani-kanilang programa na hindi masyadong napapag-usapan pero nakatutulong sa mga hayop.
Pero hindi kailangang bahagi ng negosyo ang pagsusulong ng parehong adbokasiya, kagaya na lang ng ginagawa ng Meralco na isang malaking kumpanya na nagbibigay ng serbisyo ng kuryente sa mga konsyumer.
Lingid sa kaalaman ng marami, isa sa sumusuporta sa mga adbokasiya para sa animal welfare ang Meralco. Kamakailan lang, binigyan ng pagkilala ng PAWS ang Meralco sa pagiging kaisa ng kumpanya sa nasabing adbokasiya simula pa noong 2001 nang pinahintulutan ng Meralco ang PAWS na magtayo ng animal shelter sa kanilang pag-aari sa Quezon City.
Ang naturang Platinum Paw Award na iginawad sa kumpanya ang nagsilbing patunay ng importansya ng pagbibigay-halaga sa mga hayop sa ating paligid. Ang programa ng kumpanya na tinatawag na CATropa na naglalayong magbigay ng ligtas na kapaligiran para sa mga hayop sa komunidad. Kasama sa inisyatibang ito ang kampanyang “Spay It Forward” na nakatuon sa pagpapatupad ng Trap, Neuter, Vaccinate, and Return (TNVR) activities sa loob at labas ng operasyon ng Meralco.
Mahalaga ang mga ganitong inisyatibang nakaayon sa Animal Welfare Act of 1998 at ang Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001. Sa kabila ng pagkakaroon ng batas na naglalayong protektahan ang mga hayop sa Pilipinas, kulang pa rin ang pagpapatupad ng mga ito, kaya’t madalas na hindi napapanagot ang mga lumalabag at nagmamalupit sa mga hayop.
Bilang mga bahagi ng lipunan, maaari tayong makatulong sa pagsusulong ng kanilang kapakanan kagaya ng pag-aampon ng hayop mula sa animal shelters at pagsuporta sa spay/neuter programs para makontrol ang dami ng mga hayop sa lansangan.
Responsibilidad din natin ang pag-uulat ng mga kaso ng pagmamalupit sa mga awtoridad o sa mga organisasyong may kakayahang umaksyon at pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa social media upang mahikayat ang iba pa na kumilos.
12