(NI NOEL ABUEL)
IGINIIT ng isang senador na dapat na obligahin ang lahat ng pulis na magsuot ng body cameras upang maprotektahan ang publiko sa posibleng pang-aabuso at pagmamalabis sa tungkulin ng mga awtoridad.
Sinabi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na panahon nang paglaanan ng sapat na pondo ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang lahat na tauhan nito na bigyan ng police body cam.
Tugon ito ng senador kasabay ng pag-alala sa sinapit ng 17-anyos na si Kian delos Santos na napatay ng ilang tauhan ng Caloocan City Police sa isinagawang drug operations sa nasabing lungsod.
“Maliwanag sa kaso ni Kian na ilan sa mga pulis, na dapat sana ay naglilingkod at nagtatanggol sa tao, ay may kakayahang abusuhin ang kanilang kapangyarihan. Isa lamang si Kian sa libu-libong pinatay dahil daw nanlaban. Ang tanong natin, kung hindi pala nanlaban si Kian gaya ng paratang ng mga pulis, paano pa kaya ang libu-libong katulad niya?” tanong ni Pangilinan.
Sa datos mismo aniya ng PNP, aabot sa kabuuang 6,847 drug suspects ang napatay sa operasyon laban sa illegal na droga mula Hulyo 1, 2016 hanggang Hulyo 31, 2019.
Habang sa datos naman ng Commission on Human Rights (CHR) nasa 27,000 ang bilang ang mga nasawi kabilang ang mga napatay sa pamamagitan ng vigilante-style killings.
Dahil dito, inihain ni Pangilinan sa ikalawang pagkakataon ang Body Camera Act, na naglalayong atasan ang PNP na gumamit ng body camera bilang standard equipment habang nagsasagawa ng operasyon at special police operations.
“Kapag may magsisilbing mata habang isinasagawa ang operasyon ng mga pulis, magkakaroon ng record sa mga aktwal na kaganapan na maaaring magsilbing ebidensya sakaling may mga kaso ng pang-aabuso,” aniya pa.
