PAGTAKAS NG FUGITIVE SA BI JAIL, FOR SALE?

NAUDLOT ang pagtakas ng isang fugitive inmate mula sa Bureau of Immigration jail sa Camp Bagong Diwa, Taguig City na pinaniniwalaang planado ng isang tauhan ng BI.

Ayon sa ating source, isang baklang haliparot na Immigration officer na tinanggal sa airport dahil sa pagkakasangkot nito sa Pastillas scheme at ang inilipat sa Bicutan, ang posibleng sangkot umano sa planong pagtakas na naudlot.

Ang inmate na isang fugitive sa Amerika at nagtago sa bansa at nadakip nitong January ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit ay si Joe Miller Grubb, isang American national. Habang hinihintay ang proseso sa kanyang deportasyon ay sinamantala umano nito ang pagtakas nang makitang walang guard at mismong sa main gate dumaan.

Sa ating ginawang imbestigasyon, noong February 27 nabatid na tila planado ang pagtakas, dakong ikalima ng hapon ay tinawag umano ng Immigration officer na si alias “Tsokoleyt” ang mga guard on duty sa loob ng opisina upang kumain ng mahiwagang “Pizza” at sinabing siya na ang magbabantay sa gate hanggang iniwan umano nito ang gate na nakabukas at pumasok upang
kumain ang baklang haliparot ng Hotdog este Pizza pala.

Hanggang napansin ng isang guard ang nakabukas na gate at nakitang nagmamadaling tumakas ang fugitive na agad namang naharang ng mga pulis sa kampo at ibinalik sa kulungan.

Ang ganitong gawain sa BI jail ay matagal nang nangyayari dahil nasisilaw sa kinang ng salapi ang ilang empleyado bunsod ng laki ng offer at mababa ang kanilang sahod lalo sa panahon ngayon na kinaltasan ang lahat dahil sa kakulangan ng pondo ng ahensya.

Isa sa aking karanasan sa pagsama sa paghuli ng illegal aliens noong 2016 sa Tacloban City ang patunay na nangyayari ang bayaran upang magpatakas. Isang indian national noon ang aming nahuli at pansamantalang inilagay namin ito sa protective custody ng Tacloban police na aking binantayan. Habang ang mga kasama kong BI agents ay mayroon pang huhulihin sa ibang lugar, ako mismo ay inalok ng 500k cash upang patakasin ngunit hindi mo talaga ito magagawa lalot kung ikaw ay lumaking disiplinado.

Naging raket din sa BI jail ng ilang empleyado ang pagpaparenta sa inmates ng gadgets na mahigpit na ipinagbabawal. Kamakailan lamang sa ginawang surprised inspection ng Intelligence Division ay maraming nakumpiskang mobile phones at laptop ngunit walang nahuling empleyado na siyang nasa likod nito.

Hanggang sa ngayon matapos ang palpak na pagtakas ng American fugitive ay nananatili pa rin umano sa Bicutan Jail ang Immigration officer na posibleng sangkot dito, imbes na imbestigahan at makasuhan dahil sa kapabayaan ay tila walang aksyon si BI Commissioner Jaime Morente. Ito kaya ay dahil bilang na lang ang kanyang panahon sa kapangyarihan kaya binabalewala na lamang ang katiwalian na nangyayari sa ahensya?

Kaugnay ng mahigpit na kautusan ni DOJ Secretary Menardo Guevarra sa mga tauhan ng BI sa airport na huwag masasangkot sa katiwalian, ay isang Immigration officer naman na si alias “Chad” na matagal nang tinanggal sa NAIA dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian at inilipat sa admin office, ang muling nasangkot sa pagpapaalis ng illegal Pinay workers na patungo sana sa
Europe. Inginuso ito ng 6 na Pinay na naharang ng TCEU. Posibleng sangkot kaya rito ang retired BI employee niyang biyenan na mayroong travel agency? Hmm, ito kaya ay pakitang tao ng mga tauhan ni Intelligence chief dahil sa mga nakaraang kapalpakan ng kanyang mga tauhan sa airport?

Paging Secretary Menardo Guevarra Sir! Paki imbestigahan nga po ito upang hindi na muling maulit pa.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

337

Related posts

Leave a Comment