KINONDENA ng grupong Novo Ecijano: Bantay Boto Movement (NE: BBM) ang pagtakbo sa susunod na halalan ng halos ‘buong angkan’ ni Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Umali.
Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), anim na Umali ang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa matataas na elective positions sa Nueva Ecija.
Muling tatakbo sa pagka-gobernador si Umali, pero naghain din ng kandidatura sa pagka-gobernador ang kanyang 23-year old na anak na si Patricia Marie Umali. Sa pagka-vice governor naman, tatakbo ang nakatatandang kapatid ni Governor Umali na si Gil Raymond Umali.
Naghain din ng COC ang asawa ni Gov. Umali na si Czarina Umali at kanilang 25 years old na anak na si Gabrielle.
Naniniwala ang grupo ni Ruben Aquino, convenor ng NE:BBM, na ang dahilan ng mag-asawang Oyie at Czarina ay gamitin bilang ‘reserve candidates’ ang dalawa nilang anak sakaling i-disqualify sila ng Comelec.
Ang mag-asawang Oyie at Czarina Umali ay sinuspinde kamakailan ng Office of the Ombudsman at inirekomendang matanggal sila sa pwesto dahil sa malisyosong pag-isyu ng 205 quarry permits nang walang kaukulang pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang diumano’y hindi pagbabayad sa mga lokal na pamahalaan ng kanilang bahagi mula sa mga nakolektang buwis.
Samantala, ang nakababatang kapatid ni Governor Umali na si Vice Governor Emmanuel Anthony Umali ay tatakbong mayor ng Cabanatuan City. (JOEL O. AMONGO)
90