PINASIMULAN na ng Philippine Army 2nd Infantry Division (2ID) ang pagtatatag ng National Guard, na itinuturing na hudyat ng pagwawakas ng CAFGU era, kasunod ng ginanap na Donning of Ranks and Patch Ceremony sa Camp Capinpin sa Tanay, Rizal.
Ayon sa 2ID, ang hakbang ay tanda ng isang makasaysayang pagbabago sa auxiliary force ng dibisyon, matapos opisyal na ilunsad ng Army 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division ang kanilang National Guard.
Sa ilalim ng kapangyarihan ng 2ID, maaari umanong i-redesignate ang mga personnel hanggang company-sized units, kabilang ang mga dating kabilang sa CAFGU structure.
Ang inisyatibo ay naaayon sa umiiral na mga patakaran na nagpapahintulot sa mga reservist na mapanatili ang kanilang ranggo at serial number sa Armed Forces of the Philippines habang nagsisilbi bilang auxiliary force, alinsunod sa Presidential Decree No. 1016. Layunin nito na matiyak ang pagpapatuloy ng pagkakakilanlang militar at pananagutan sa loob ng hukbo.
Pinangunahan ni 2ID Commander Maj. Gen. Ramon Zagala ang seremonya, na tampok ang transpormasyon ng Citizen Armed Force Geographical Unit Active Auxiliary personnel tungo sa mas propesyonal, disiplinado, at community-focused na puwersa.
Ipinakita rin ng inisyatibo ang pagsisikap ng 2ID na gawing makabago ang kanilang support units at palakasin ang papel ng mga ito sa territorial defense, disaster response, at local security operations, alinsunod sa binuong Comprehensive Archipelagic Defense Operations.
“The shift affirms that the CAAs are not being replaced, but elevated and recognized—remaining essential under the Total Force concept, where Regulars, Reservists, and Auxiliaries work together to ensure mission accomplishment and operational effectiveness,” pahayag ni Col. Michael T. Aquino, acting chief ng Division Public Affairs Office.
Dagdag pa ni Aquino, ang modernisasyon ay kaakibat ng kampanya ng Philippine Army na patuloy na paunlarin ang human capital, linawin ang organizational identity, pahusayin ang training at interoperability, at magtakda ng mas malinaw na papel para sa mga auxiliary unit habang pinananatili ang awtoridad at istruktura ng regular forces.
Ayon naman kay Maj. Gen. Zagala, mahalaga ang pagpapalakas sa mga citizen-soldiers na magsisilbing mahalagang katuwang sa pagpapatatag ng mga komunidad at sa kahandaan ng bansa.
(JESSE RUIZ)
103
