NAGBABALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa posibleng aftershocks kasunod ng magnitude 5.0 na lindol na tumama sa karagatang sakop ng Ilocos Norte nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa ulat ng Phivolcs, bandang alas-9:45 ng umaga naramdaman ang pagyanig sa 63 kilometro hilagang-kanluran ng Currimao Island.
Tectonic ang pinagmulan ng lindol at natunton ang sentro nito sa 10 kilometro na lalim.
Pinayuhan ng mga otoridad ang mga residente sa rehiyon na manatiling alerto at maghanda ng precautionary measures sakaling makaranas ng mga aftershocks, lalo na sa mga bayan ng San Nicolas, Laoag City, at Sinait, Ilocos Sur.
Agad namang nagsagawa ng monitoring at rapid damage assessment ang Currimao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa mga apektadong lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Samantala, nilinaw ng Phivolcs na aftershock lamang ng magnitude 6.9 earthquake ang magnitude 4.4 na lindol na yumanig muli sa Bogo City, Cebu nitong Linggo rin ng umaga.
Natukoy ang epicenter ng pagyanig sa 14 kilometro silangan ng Bogo City na may lalim na 10 kilometro.
Tectonic din ang origin nito, at ayon sa Phivolcs, walang inaasahang pinsala mula sa naturang lindol.
Naitala ang Reported Intensity II sa Daanbantayan, Cebu, habang Instrumental Intensity I naman sa Villaba, Leyte; Abuyog; at Carigara, Leyte.
Samantala, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa 71 ang bilang ng mga nasawi kaugnay ng serye ng lindol sa Visayas at Hilagang Luzon.
(JESSE RUIZ)
