PAHAYAG NI SUAREZ TUNGKOL SA SPUTNIK GAMALEYA KWESTYUNABLE

KINUMPIRMA ni Gobernador Danilo “Danny” Suarez na napakatalamak na ng atake ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan ng Quezon dahil mahigit 9,800 ito.

Inamin ito ni Suarez sa “Report to the Nation” ng National Press Club (NPC).

Mula sa nasabing bilang, 400 katao na ang mga namatay sa Quezon dahil sa COVID-19.

Maganda ang lingguhan­g talakayan ng NPC dahil ­m­abu-­­­bunyag ang mga katotohanan sa maraming isyu mula sa mismong mga sangkot na opisyal ng ­pamahalaan, kabilang na ang mga kontrobersiyal tulad ni Suarez, dahil binubusisi at diretsahang tinutumbok nina NPC President Paul Gutierrez at NPC Director Joey Venancio ang mga isyu.

Sina Gutierrez at Venancio ay kapwa beteranong mga ­kolumnista.

Inamin din ni Suarez ang akusasyong napakaliit ng bilang ng mga residente ng ­Quezon na nabakunahan hanggang kasalukuyan.

Sabi ni Suarez, umabot pa lamang sa 14,000 residente ang naturukan ng bakuna mula sa 2.1 milyong residente ng Quezon.

Pokaragat na ‘yan!

Alam ba ninyo na ang 14,000 ay katumabas lamang sa 0.0006 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Quezon?

Pokaragat na ‘yan!

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang napakababang bilang ng nabakunahang mamamayan ng Quezon.

Pinakamasahol ito sa buong rehiyon ng Calabarzon ­(Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at ­Quezon) dahil kulelat umano ang Quezon sa paglulunsad ng ­programang pagtuturok ng bakuna sa buong rehiyon, ayon sa DOH.

Tapos, batay pa sa datos, umaabot sa 40 residente ang nagkakaroon ng COVID-19 kada araw.

Malulunasan na raw ang problemang ‘yan, diin ni Gobernador Suarez, dahil may darating sa Quezon na maraming doses ng bakunang Sputnik Gamaleya mula sa Rusya.

Walang katotohanan ang impormasyon ni Suarez na parating na sa Quezon dahil walang ganyang nabanggit si vaccine czar Carlito Galvez, Jr.

Ayon kay Galvez, ang kasunduan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Gamaleya Institute ng Rusya ay katatapos lang noong Abril 15.

At sinabi pa ng kalihim na 20,000 doses pa lamang ng bakunang Gamaleya Sputnik ang ipapadala sa Pilipinas bago matapos ang Abril.

Walang tinumbok at wala ring inamin si Galvez na kasama ang Quezon sa mga prayoridad na bahagian ng bakunang galing sa Rusya.

Kaya, dapat makarating ito sa mga residente ng Quezon upang malaman nila ang katotohanang malabong makakarating nang kagyat ang bakuna ng Rusya sa Quezon, lalo pa’t napakahalaga ng bakuna laban sa COVID-19.

Kapag nalaman ng mga residente ay siguradong labis-labis na pag-iingat ang gagawin nila upang huwag tamaan ng COVID-19.

Inamin din ni Suarez na ­problema pa rin ang panukalang isang bilyong pisong pondo ng lalawigan dahil hindi pa ito ­nakukuha ng kanyang ­administrasyon bunga ng pagkaantala ng ­pag-apruba ng nasabing inuutang na salapi sa Development Bank of the ­Philippines (DBP).

Bukod sa isyu ng kapalpakan sa pagresolba sa mahigit 9,000 kaso ng COVID-19 sa Quezon, inamin ni Gobernador Suarez sa NPC na pagod na siyang pamunuan ang buong Quezon.

Malaking kaluwagan ito sa mga residente ng lalawigan dahil magkakaroon sila ng bagong ‘ama’ at ‘pinuno’ ng lalawigan.

Kaso, walang balak si ­Suarez na tuluyang magretiro sa pulitika at tuluyang mawalan ng kapangyarihan dahil plano niyang bumalik sa Kamara del Representantes.

Pokaragat na ‘yan!

Kapag ituloy ni Suarez ang pagtakbo bilang kongresista, isang distrito na lamang ang kakatawanin niya sa Kamara.

Ngunit, makapangyarihan pa rin.

Pokaragat na ‘yan!

223

Related posts

Leave a Comment