PAHIRAP ANG NAIA SA MGA OFW

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

NITONG nakaraang Lunes ay kinastigo ni Senador Grace Poe ang pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa kabiguan nilang ayusin ang serbisyo at matugunan nang maayos ang pangangailangan ng mga pasahero.

Pinuna rin ni Poe ang mala-pagong na pag-usad ng kinakailangang mga reporma sa pasilidad na dahilan para lalong sumama ang serbisyo rito.

Sinabi ng senadora na ang deklaradong kapasidad ng NAIA ay 35 milyong pasahero at 250,000 flights kada taon.

Subalit noong 2019, ang actual passenger volume ay umabot sa 47.88 milyon samantalang ang actual flights ay naitala sa 277,530.

Nangangahulugan ito na lumagpas sa 36 porsyento ang passenger capacity nito at ang flight capacity ay sumobra rin ng 11 porsyento.

“In other words, our primary aerial entry point is now a major chokepoint. Simple lang po ang hatol sa NAIA: Tinimbang ngunit kulang pa rin,” sabi ni Poe.

Mabuti naman at sa wakas ay may opisyal ng pamahalaan na rin na pumuna at bumatikos sa totoo at sablay na sitwasyon sa NAIA.

Pero sa malas ay kulang pa rin ang ginawang pagpuna ni Sen. Poe kaugnay sa aktwal na mga nangyayari sa NAIA.

Sa totoo lang, matagal nang inirereklamo ng libo-libong OFWs ang mga kapalpakang nangyayari at ginagawang pagpapahirap sa kanila ng maraming mga kawani riyan sa NAIA.

Para sa marami sa kanila, ang taguring Bagong Bayani dahil na rin sa iniaambag nilang remittance na susi para patuloy na maging matatag ang ekonomiya ng bansa, ay pambobola lamang at hindi naman nakatutulong para maibsan ang kanilang paghihirap.

“Hirap na hirap na kami at nagtitiis na malayo sa pamilya para maghanapbuhay sa ibang bansa nang matagal na panahon,” sabi ni Cristy na isang OFW mula sa Dubai na umuwi sa bansa kamakailan lang.

“Kaya naman pag-uwi namin ay umaasa kami na kahit paano ay mabibigyan naman kami kahit konting respeto at ginhawa,” sabi niya.

Subalit taliwas aniya sa inaasahan niya at mga kasamahan niyang mga OFW ang nangyayari, dahil paglapag pa lang nila sa NAIA ay matinding kalbaryo at pananamantala na ang kanilang nararanasan.

Aniya, unang-una sa pahirap sa kanila ay wala silang magamit na pushcart dahil itinatago ito at ginagawa nang raket ng ilang porter, kung saan naoobliga silang magbigay ng pera sa mga porter para may magamit silang pushcart.

Wala rin aniyang maayos na upuan kaya kahit pagod na sila ay napipilitan silang sumalampak sa sahig habang tinatapos ang mga transaksyon nila o naghihintay sa kanilang mga masasakyan.

Ang isa pang reklamo nila ay ang kawalan ng matinong Wi-Fi sa loob ng NAIA na sa tingin nila ay sinasadya upang mahirapan silang kontakin ang kanilang mga kamag-anak gamit ang kanilang mobile phones.

Dahil wala silang Wi-Fi ay naoobliga aniya silang bumili ng local SIM card na umaabot sa P700 ang bawat isa.

Inirereklamo rin nila ang kawalan ng matinong online ­payment system at puro cash lang ang tinatanggap ng mga stall kaya naman naoobliga silang magbayad gamit ang foreign currency na harang din naman ang palitan.

At isa pang matinding ­reklamo nila ay ang kabiguan ng NAIA na kontrolin ang pamasahe na sinisingil ng mga taxi driver sa mga OFW.

Para aniya makauwi siya ay nagbayad siya ng P800 mula sa Terminal 2 hanggang sa may Cubao, Quezon City.

Sa totoo lang, napakatagal na ng mga reklamong ito pero parang balewala lang sa pamunuan ng NAIA dahil wala naman silang ginagawang kaukulang aksyon.

At ngayon na tumayo si Sen. Poe para punahin ang kapalpakan sa NAIA, sana naman ay maisabay na ring mabigyang pansin ang hinaing ng ating mga OFW.

Abangan!

385

Related posts

Leave a Comment