‘PAIHI KING’ NG BATANGAS, UNTOUCHABLE SA PNP?

BISTADOR ni RUDY SIM

SA kabila nang walang humpay na pagsirit ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay kasabay ring bumubulusok ang ilegal na aktibidad umano ng isang dating uhugin at small time lamang na nagpapaihi ng gasolina, na ayon sa ating source ay nakilala sa pangalang “Rico Mendoza” sa lalawigan ng Batangas.

Kasapakat ng ilang matataas na opisyales ng Philippine National Police (PNP) Batangas at kasabwat ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan, nabatid na patuloy ang paghahasik ng lagim nitong kumag kung saan ay nag-umpisa lamang ito sa bayan ng Malvar, Batangas at ngayon ay sinakop na rin ang Batangas City.

Walang magawa umano ang mga pobreng driver ng tanker na nagbabagsak ng gasolina sa naturang lugar dahil sila ay pilit na hinaharang bago pa man ito dalhin sa mga gasolinahan at sapilitang pinapapasok ang tanker sa isang bakanteng lote sa likod umano ng Marz Gasoline station sa National Hi-Way ng Brgy. Balagtas sa Batangas City.

Ang pandurugas ng mga hindoropot sa dekalidad na gasolina ay malaki ang epekto sa makina ng mga motorista dahil sa kawalan ng kaalaman ng mga ito na malaki ang posibilidad na magkaproblema ang kanilang sasakyan dahil hinaluan na pala ang kanilang nabili.

Mula sa 10 drums kada tanker na kanilang ninanakaw ay pinapalitan umano ito ng isang “Methanol” kaya ang purong gasolina ay nagiging 20 porsyento na lamang at nagiging matabang na dahil sa paghalo dito ng generic class na uri ng petrolyo.

Sino ang mga kasabwat ng kumag na ito sa Batangas PNP? Gaano kaya katotoo na kaladkad nito ang pangalan ng chief of police kung kaya’t hindi nagagalaw ang kanyang ilegal na gawain? Ala eh, ano kaya ang ginagawa ng provincial director na si Col. Rainerio de Chaves? Sir, baka nabubukulan ka na ng mga tauhan mo! Sino kaya ang mga nasa payola ni Rico Mendoza sa police provincial office na tumatanggap kaya’t patuloy ang pagnanakaw ng gasolina?

Sa susunod ay atin pang huhubaran ng maskara ang mga kasabwat ng tinaguriang “Paihi King” ng Batangas.

Para sa inyong reaksyon at sumbong, maaaring i-text ako sa 09158888410.

385

Related posts

Leave a Comment