Palasyo aminado ANTI-DRUG CAMPAIGN MAY SABLAY

MISTULANG pagkumpirma na hindi ganap na epektibo ang anti-drug campaign ng pamahalaan nang sabihin ng tagapagsalita ng Palasyo na “nothing is perfect”.

Tugon ito ni Presidential spokesperson Harry Roque sa mga puna na nagkaroon ng “lapses” sa anti-drug campaign ng pamahalaan matapos ilabas ng Department of Justice (DoJ) ang 20-pahinang detalye ng 52 drug war cases mula sa PNP na nirebyu ng departamento.

“Well, I think like any other government program, we cannot claim to be perfect. Pero ang sinasabi natin, huwag naman iyong gawain ng ilang mga bugok ay maapektuhan iyong buong programa. At saka itong desisyon ng ating DOJ, nagpapatunay nga po na ginagampanan natin iyong ating obligasyon bilang estado na kapag mayroon pong napatay ay iimbestigahan, lilitisin at paparusahan ang mga pumapatay,” ayon kay Sec. Roque.

“So, nothing is perfect and itong findings ng DOJ proves that the Philippines nga po is undertaking and performing its obligation in so far as the right to life is concerned,” dagdag na pahayag nito.

Sa ulat, sa initial findings ng DoJ ay makikita ang mga kaso ay kinasasangkutan ng mga pulis sa anti-illegal drugs operations mula 2016 hanggang 2020 kung saan may namatay o nasugatan na suspek.

Naglalaman ang summary ng mga kaso ng pangalan ng mga namatay na suspek, petsa at lugar ng insidente, rekomendasyon ng PNP Internal Affairs Service laban sa police respondents at ang obserbasyon ng DOJ Review Panel.

Hindi kasama sa impormasyon ang pangalan ng mga pulis na sangkot.

Bukod sa buy-bust operations, ang mga insidente ng pagkamatay ay nangyari sa implementasyon ng search o arrest warrant.

Isa naman sa 52 kaso ay walang napaslang kundi sugatan lang ang mga suspek.

Nagpasya ang DOJ na isapubliko ang mga nasabing impormasyon para maipaalam sa pamilya ng mga namatay na suspek na tinitingnan ang posibleng kriminal na pananagutan ng mga pulis sa sirkumstanya na pumapalibot sa bawat insidente ng pagkamatay.

Umaasa ang DOJ na mahimok din ang iba pang testigo na lumantad at magbigay ng salaysay sa NBI ukol sa kanilang nalalaman sa mga nasabing kaso para sa ikareresolba nito.

Sinabi pa ng DOJ na batid nito ang importansya ng transparency sa ginagawang pagrebyu ng gobyerno sa war on drugs.

Una na ring hinimok ng UN High Commissioner for Human Rights ang DOJ na ilahad sa publiko ang findings nito sa drug war killings.

Ikinatuwa ng ilang human rights advocates at grupo ng mga abogado ang inilabas na review sa 52 drug war cases na ipinasa ng Philippine National Police – Internal Affairs Services (PNP-IAS) at ginawa ng mga panel mula sa Department of Justice (DOJ).

Ayon sa Free Legal Assistance Group (FLAG), hindi sapat ang 52 kaso at hindi alinsunod sa obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng International Law.

Para naman kay Human Rights Watch senior researcher Carlos Conde, malinaw sa resulta ng drug war review na may polisiya ng pagpatay na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. (CHRISTIAN DALE)

247

Related posts

Leave a Comment