Palasyo sa US: ‘NO PAY’ NO VFA

KAILANGANG magbayad ng Estados Unidos kung nais nitong manatili ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Pilipinas.

Ang katuwiran ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, mahaharap kasi ang Pilipinas sa matinding peligro kapag tuluyang nasira at bumigay ang galit sa pagitan ng Estados Unidos at China.

“I’d like to put on notice if there’s an American agent here. From now on, you want the Visiting Forces Agreement done, you have to pay. It’s a shared responsibility but your share of responsibility does not come free because, after all, when the war breaks out, we all pay,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa idinaos na inspeksyon ng Newly-Delivered Air Assets and Talk to the Troops sa Haribon Hangar, Clark Air Base, Mabalacat City, noong Biyernes.

Hindi naman sinabi ni Pangulong Duterte kung anong klaseng kabayaran ang nais niyang ipakahulugan subalit ang pahayag niyang ito ay matapos na magsimula ang closed-door talks ng mga opisyal ng Pilipinas at Estados Unidos hinggil sa security cooperation.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, na umaasa siyang ang Balikatan joint military exercises—isang sangkap ng VFA— ay magpapatuloy sa buwan ng Mayo.
Nauna rito, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang terminasyon ng Visiting Forces Agreement matapos bawiin ng Amerika ang US visa ni Senador Ronaldo de la Rosa, COVID-19 pandemic at “heightened superpower tensions.”

Kaagad namang nagpadala ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng notice of termination sa Washington.

Hinggil sa usapin ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng Amerika at China, sinabi ni Pangulong Duterte na ang Pilipinas ang “nearest possible and convenient outpost” para sa American forces, na mayroon ding 15 military bases sa South Korea at 23 sa Japan.

Giit ng Pangulo, ayaw niyang madamay ang Pilipinas sa panibagong giyera.

Makailang ulit na sinabi ng Punong Ehekutibo na nais niya ng independent foreign policy at ang Pilipinas ay mananatiling neutral pagdating sa superpower politics, subalit kinikilala ang tinatawag na “the exigency of the moment requires [US] presence here.” (CHRISTIAN DALE)

154

Related posts

Leave a Comment