NANINIWALA ang isang mambabatas sa Kamara na overpriced na ang presyo ng langis sa bansa kaya ayaw ng oil companies na isapubliko ang gastos ng mga ito sa kanilang operasyon.
Kasabay nito, kinastigo ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang mga kumpanya ng langis sa lingguhang oil price hikes mula noong Enero kung saan muling magtataas ang mga ito ng presyo bukas, Martes na itinuturing na big time increase dahil inaasahang aabot sa P1.30 ang dagdag kada litro sa gasolina, P1.20 sa diesel at 85 sentimos sa kerosene.
“For 20 years the consumers could have overpaid billions of pesos in overpriced fuel. Worse, these also led to price increases of other products using fuel. Its about time we put an end to this” ani Zarate.
Inihalintulad ng mambabatas ang sinabi umano ng Department of Energy (DOE) noong 2019 kung saan kulang ng 16 sentimos ang rollback sa diesel at 24 sentimos naman sa gasolina.
“Bilyong piso rin ang bawat sentimo na labis na singil sa ating mga consumer. Pag oil price increase ang taas ng dagdag nila, pero pag-rollback naman mababa masyado,” ayon pa sa mambabatas.
Ito marahil aniya ang dahilan kaya tinutulan ng oil companies ang kautusan sa kanila ng DOE na i-bundle ang kanilang presyo upang malaman kung tama o hindi ang binabayaran ng consumers.
Maliban aniya sa international price, walang nakaaalam sa aktuwal na gastos ng mga kumpanya ng langis sa kanilang mga ibinebentang produkto tulad ng refining cost, storage, transportation, salaries and advertising cost.
Dito sana aniya ibabase kung tama o overpriced ang mga ibebentang produkto ng oil companies subalit tinutulan nila ito dahil sa katuwirang malalantad ang kanilang business secret.
“The oil companies must inform DOE and the public of this actual cost, so that we will know if they are overpricing or not,” hamon pa ni Zarate sa mga kumpanya ng langis lalo na’t sinasabayan ng mga ito ang pagpapahirap sa mamamayan sa gitna pa ng pandemya.
Kailangang maging proactive din aniya ang DOE at pilitin ang mga kumpanya ng langis na isapubliko ang kanilang gastos para protektahan ang interes ng consumers.(BERNARD TAGUINOD)
168 