HINDI Oktubre kundi sa Nobyembre pa magkakaroon ng bagong Speaker sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ito ang nilinaw ni outgoing House Speaker Alan Peter Cayetano kaugnay ng napipintong transisyon sa speakership kung saan si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang susunod na mamumuno sa mahigit 300 congressmen.
“Actually hindi October, kasi pang 15th month pa lang ‘yung October, so November pa,” ani Cayetano taliwas sa inaasahan ng marami na sa Oktubre 15 na uupo si Velasco.
Magugunita na nagkaroon ng term-sharing agreement sina Cayetano at Velasco para pamunuan ang Kongreso kung saan unang umupo ang Taguig-Pateros congressman sa unang 15 buwan habang ang huli naman ang magmamando sa Kamara sa natitirang 21 buwan ng Duterte administration.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang namagitan sa term-sharing na ayon kay Cayetano ay hindi magbabago.
“Well, unang-una, wala naman nagbabago po, simula nung umpisa sinabi ko, ang House is a coalition. Ang Presidente ang nagdi-decide sa coalition kung sino ang magli-lead,” ani Cayetano.
Gayunpaman, umaasa si Cayetano na masusunod ang kasunduan na tanging ang speakership at dalawang committee chairman ang papalitan kapag si Velasco na ang uupong Speaker. (BERNARD TAGUINOD)
216 