PNP pwedeng makasuhan – Sotto PASAWAY HULIHIN SA KALYE HINDI SA SOCIAL MEDIA

KINONTRA ng dalawang senador ang plano ng Philippine National Police (PNP) na magmonitor ng social media upang mabantayan ang mga lumalabag sa quarantine protocols.

Binalaan pa ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang PNP na posibleng maharap sa kaso kung itutuloy ang kanilang plano.

“I think it will be very difficult to enforce properly. They will be open to harassment charges if they (PNP) err,” saad ni Sotto.

Pinayuhan naman ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pambansang pulisya na lumabas sa kalsada at higpitan ang pagpapatupad ng quarantine protocols.

“They (PNP) better go out on the streets and implement proactively the quarantine protocols and leave the social media to the after the fact bashers,” reaksyon ni dela Rosa.

Una nang inihayag ni Joint Task Force COVID Shield chief, Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na regular na imo-monitor ng PNP ang iba’t ibang social media platforms sa pagtugis sa quarantine violators sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Samantala, walang nakikitang mali o ilegal ang Malakanyang sa paghikayat ng Joint Task Force COVID Shield sa mga police commander at kanilang mga tauhan na regular na i-monitor ang social media para sa mga paglabag sa quarantine protocols.

Sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi ilegal ang social media monitoring lalo na’t kapag ang posts ay isinapubliko.

“Pinost po ‘yan eh so parang nagkaroon po ng waiver of privacy diyan kapag posted na po ang isang bagay sa social media,” ayon kay Sec. Roque.

Sa datos mula sa JTF COVID Shield, mula noong Marso 17 ay mahigit 365,000 na ang binalaan, pinagmulta, at kinasuhan sa paglabag sa quarantine rules.

Una nang nangako ang bagong-upong hepe ng PNP na si PLt. Gen. Camilo Cascolan na magpapatupad ito ng disiplina sa mga police personnel na mahuhuling sumusuway sa quarantine protocols. (DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE)

114

Related posts

Leave a Comment