KUNG nagkataong nangyari ang pandemic sa coronavirus disease 2019 na ito isang taon bago ang eleksyon, maraming politiko ang hindi na makababalik sa kani-kanilang puwesto.
Masuwerte pa rin ang mga politiko dahil medyo malayo pa bago ang 2022 national at local election at may sakit na pagkalimot ang mga Filipino kaya puwede nilang makalimutan ang pinagdadaanan nilang dusa ngayon sa COVID-19.
Iyan ay kung mareresolba kaagad ang problemang ito at magkaroon ng vaccine bago matapos ang taon upang makabalik na sa normal na pamumuhay ang mga tao dahil sobrang perwisyo ang inabot nila.
Kung aabutin pa ng Disyembre, 2021 bago magkaroon ng vaccine ay malamang na hindi na makakahirit ang mga politiko at malamang ay hindi na sila iboboto muli.
Maghahain kasi ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga tatakbo sa 2022 national at local election sa October 2021 kaya dapat maresolba ang problemang ito bago matapos ang 2020.
Nakita kasi ng mga constituent kung gaano kapalpak ang karamihan sa mga politiko sa pagtugon sa problemang pandemya kaya imbes na nakontrol kaagad ang virus ay lumaganap pa.
Maraming kapalpakan ang nangyari tulad sa paghahatid ng tulong sa mga apektadong constituent ng mga politiko, mabagal na aksyon sa pagsagawa ng mass testing at may ilang pag-aabuso pa ng kanilang mga tauhan sa kakapiranggot na kapangyarihan.
Kapag hindi pa rin maresolba ang problemang ito sa susunod na taon o sa 2021, gaganti ang mga tao sa pamamagitan ng balota at sigurado, lahat ng mga palpak na incumbent officials, ibabasura nila.
Matindi rin ang tama sa babasbasang kandidato ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pandemya sa COVID-19 kung gagawin ang eleksyon sa susunod na taon, dahil maraming katanungan ang mga tao sa kani-kaniyang gobyerno.
Hindi na muling tatakbo si Duterte (maliban lamang kung maamyendahan ang Saligang Batas) kaya pipili ito ng kandidato na magpapatuloy sa kaniyang mga sinimulang programa.
Pero base sa kasaysayan ng ating bansa, hindi nananalo ang kandidato ng papaalis na pangulo kung marami siyang maiiwanang bagahe at hindi kayang kalimutan ng mga tao.
Tulad noong 2016 election, natalo ang binasbasang kandidato ni dating Pangulong Noynoy Aquino dahil sa mga kapalpakan na nangyari isang taon bago magkaroon ng eleksyon.
Nangyari ang Mamasapano incident na ikinamatay ng 44 Special Action Force (SAF) members sa Maguindanao na matindi ang naging tama sa kanyang binasbasang kandidato na si Mar Roxas.
Hindi rin nakalimutan ng mga tao ang hindi maayos na paghawak sa problemang idinulot ng bagyong Yolanda, maraming krimeng nangyari, laganap ang ilegal na droga at kung anu-anong problema.
Naghanap nang mas matapang na lider ang mga tao kaya ibinoto nang mas nakakarami si Duterte na kilala sa katapangan kaya natalo ang binasbasang kandidato ni PNoy at dahil sa pandemyang ito, malamang na maghahanap din ang mga tao ng lider na kayang pag-isahin at resolbahin ang ganitong uri ng problema sa hinaharap. BERNARD TAGUINOD
180
