MAKAKAMIT na ng pamilya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board Secretary at retired Police Major General Wesley Barayuga ang hustisya.
Sa ika-14 pagdinig ng Quad Committee, kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na sa susunod na tatlong linggo ay maisasampa na ang kasong kriminal laban sa mga suspek sa pagpatay sa dating opisyal.
“For the NBI we are already wrapping up or we are concluding the investigation on the Barayuga murder and in about three weeks time we shall be filing our cases against those involved,” ani NBI Deputy Director Ferdinand Lavin.
Magugunita na tinambangan ang opisyal noong July 2020 sa Mandaluyong City pagkalabas sa gusali ng PCSO.
Sa pagdinig ng komite, lumalabas na iniutos umano ni dating PCSO General Manager at retired Col. Royina Garma ang pagpatay kay Barayuga dahil plano nitong isiwalat sa NBI ang mga katiwalian sa nasabing ahensya.
Naisagawa umano ang krimen sa pamamagitan ni retired Col. Edilberto Leonardo na siyang nag-utos naman kay Police Lt. Col. Santi Mendoza na i-operate si Barayuga dahil sangkot umano ito sa ilegal na droga.
Sa pagharap ni Mendoza sa komite, inamin nito na kinontak nito ang dating pulis na si Nelson Mariano na siyang kumontrata naman sa assassin na nagngangalang Loloy at noong July 30, 2020 ay naisagawa ang krimen. (BERNARD TAGUINOD)
