Pamilya humihingi ng tulong OFW SA LEBANON HAWAK NG AMO, PINAGBABAYAD NG $2,000 USD

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

HUMIHINGI ng agarang tulong ang pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Lebanon na si Vienna, 44-taong gulang, may asawa, na umano’y hawak ng kanyang amo at pinagbantaan na ipakukulong kung hindi magbabayad ng $2,000 USD.

Ayon sa salaysay ng pamilya, bandang alas-11:50 ng gabi (PH time) noong Enero 28, 2026, nakatanggap sila ng missed call at mensahe mula sa Facebook account ni Viena na nagsasabing: “I’m here at the police. Answer my call.”

Nang tanungin kung may kaso ba siya, sinagot umano ng kausap na “Yes, there is a case.”

Agad na tumawag ang pamilya at sinabihang hawak daw si Viena ng pulis at kinakailangang magbayad ng $2,000 USD sa mismong araw na iyon, kung hindi ay makukulong ito.

Gayunman, napansin ng pamilya na hindi pinapayagang magsalita ng Tagalog si Viena upang maipaliwanag ang tunay na nangyayari. Naririnig din umano nila na tinatawag ni Viena na “Madam” at “Sir” ang mga taong nasa likod ng tawag, dahilan upang pagdudahan ng pamilya kung tunay ngang pulis ang kausap nila at hindi ang kanyang amo.

Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang pamilya sa mga kakilala ni Viena sa Lebanon. Isa sa kanilang nakausap ay si “Mommy Jhoy,” na nagbabala sa kanila na huwag magpadala ng pera at nangakong tatawag muli.

Makalipas ang ilang sandali, tumawag umano si Jhoy at sinabing nakausap na raw niya si Viena at ang amo nito. Ayon sa kanya, naroon daw ang mga pulis sa bahay ng amo at inaakusahan si Viena na nagnakaw ng $2,000 USD. Kapag hindi raw ito nabayaran agad, maaari umanong makulong si Viena ng hanggang limang taon sa Lebanon.

Dahil sa pangyayari, agad na humingi ng tulong ang pamilya sa Philippine Embassy sa Lebanon. Ayon sa embahada, kung tunay na hawak ng pulis si Viena, sila mismo ang kokontakin ng mga awtoridad doon.

Gayunman, bandang alas-4:17 ng umaga (PH time) nitong Enero 29, 2026, muling nagpadala ng mensahe ang amo ni Viena gamit ang kanyang account. Sa mensahe, sinabi umano na pumayag ang isang opisyal na “i-hold” muna si Viena hanggang kinabukasan, ngunit kailangan pa ring maipadala ang pera sa lalong madaling panahon. Dagdag pa rito ang bantang, “We already give you time, it’s now out of my hands.”

Dahil sa patuloy na pagbabanta at paniningil ng pera, nananawagan ang pamilya ni Viena Rellamas sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, lalo na sa Department of Migrant Workers (DMW) at Philippine Embassy sa Lebanon, upang agad na imbestigahan ang kaso, tiyakin ang kaligtasan ni Viena, at maisagawa ang agarang repatriation sa OFW.

Nanawagan din ang pamilya sa publiko na ipagdasal ang kaligtasan ni Viena at tulungan silang maabot ang mga awtoridad upang mapigilan ang umano’y pang-aabuso at pangingikil laban sa isang OFW.

21

Related posts

Leave a Comment