INIINSULTO umano ni Vice President Sara Duterte ang pamilya ng mga biktima ng war on drugs matapos palabasin na ang kaso ng kanyang ama ay base sa mga marites o tsismis lang.
Kasabay nito, itinanggi ni Zambales Rep. Jay Khonghun ang alegasyon ng Pangalawang Pangulo na nakipagsabwatan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa International Criminal Court (ICC) para mapaalis sa Pilipinas ang kanyang numero unong kritiko na ang tinutukoy ay ang kanyang amang si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Tsismis ba ang libo-libong patayan? Tsismis ba ang luha ng mga nanay na naulila? Tsismis ba ang mga ulat ng international and local human rights groups?” mga tanong ng kongresista sa Pangalawang Pangulo.
Sa rally kamakalawa sa The Hague, Netherlands, sinabi ng Bise Presidente na “Mayroong tao diyan sa loob ng ICC detention na nakakulong na ang pinagbasehan ay marites… Meron tayong dating pangulo na nakakulong dahil ginawa niya ang kanyang trabaho para sa bayan”.
Kaugnay ito ng 30,000 namatay umano sa war on drugs noong panahon ng kanyang ama na ipinangangalandakan ng kasalukuyang gobyerno subalit 43 lamang umano ang kaso ng pagpatay na isinampa laban sa kanyang ama sa ICC.
“You call this gossip, we call it justice. Kung talagang walang kasalanan, harapin. Hindi ‘yung puro drama at siraan ang ginagawa,” patutsada ni Khonghun na nagbabala na ang ganitong mga pahayag ni Duterte ay hindi lamang sariling kredibilidad ang sinisira kundi ang mga institusyon.
“If this is how she plans to run a national campaign, by attacking the truth and weaponizing victimhood, then the Filipino people deserve to know what kind of leadership she truly offers,” ayon pa sa kongresista.
Sinabi rin nito na kung tahimik si Marcos sa mga walang basehang alegasyon ni Duterte ay hindi umano mananahimik ang kanilang grupong “Young Guns” sa Mababang Kapulungan para ituwid ang mga walang basehang paratang.
“Kami sa Young Guns ay hindi mananahimik habang binabastos ang katotohanan. Tahimik ang Pangulo, pero kami hindi. Dapat lang na ituwid ang mga kasinungalingan,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
