KAPANSIN-PANSIN na sa tuwing namamahagi ng ayuda para sa mga karapat-dapat na tumanggap nito ay hindi nasusunod kahit man lang yung tinatawag na minimum health standards ng IATF.
Sa pag-iikot ng PUNA sa iba’t ibang mga lugar sa Metro Manila, kitang-kita natin na sa pamimigay ng ayuda, marami ang hindi tama ang pagsusuot ng face mask, face shield at lalo na ang kawalan ng physical distancing.
Matatandaan kamakailan ay ini-lockdown ang National Capital Region o NCR Plus bubble. Kasama dito ang Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna. Ito ay dahil na rin sa pagsirit ng kaso ng COVID-19.
Kasunod naman nito ang ayuda ng gobyerno sa mga apektado ng lockdown na ibinaba sa mga Local Government Units (LGUs) lalo na sa barangay.
Maganda sana ang layunin ng national government sa pagbibigay ng ayuda pero ang problema nga lang ay ang mga nasa ibaba na nagpapatupad ng pamamahagi nito sa kanilang mga constituents.
Napakarami nating namataan na hindi naipapatupad ang minimum health standards ng IATF para matiyak na makaiiwas sa hawaan ng COVID-19
Partikular na tinutukoy ko ay ang ilang mga barangay na aking nadaanan na sandamakmak ang nakapilang mga tao sa mga lungsod gaya ng Quezon City at Caloocan.
Mismo ang mga opisyal ng iba’t ibang mga barangay sa dalawang nabanggit na lungsod ang lantaran na hindi marunong sumunod sa ipinag-uutos ng IATF.
Hindi ba’t nakapamahagi na naman noon ng ayuda sa pamamagitan ng Social Amelioration Program (SAP) fund? Hindi n’yo pa rin pala inaayos ang palpak ninyong sistema sa nakaraan.
Ka PUNA-PUNA na dagsa ang mga tao at halos hindi mahulugang karayom kung saan ginagawa ang distribusyon ng ayuda.
Parang binabalewala ito ng mga opisyal ng gobyerno, bakit kaya?
Dati, 8 libong piso at 5 libong piso ang ipinamahaging SAP o ayuda. Ngayon, ang ipinamimigay ay 4 na libong piso na pinagkakaguluhan ng mga mahihirap nating kababayan.
Nakakalungkot pero tila mga bulag ang mga opisyal ng barangay sa kanilang nakikita na pagkahaba-habang pila at ang masaklap pa ay walang physical distancing ang mga kababayan natin.
Kaya hindi tayo magtataka kung bakit napakataas ng kaso ng COVID-19 sa NCR plus bubble.
At sa buong NCR, Quezon City na naman ang nangunguna sa may pinakamataas na kaso ng sakit na ito.
Nakapagtala na ang siyudad ng 25% positivity rate ng COVID-19. Hindi na kayo natuto mga taga-QC? Hay naku mga taga-QC! Kailan kaya kayo makaka-alpas sa COVID-19 na ito? Kaya mo pa ba Mayora Joy Belmonte na mamuno sa lungsod mo? Puro kasi kayo praise release sa halip na magtrabaho ng todo!
Huwag po natin balewalain ang napakasamang dulot sa atin ng COVID-19. Sa ngayon ay sobrang delikado po ang sitwasyon natin dito sa bansa lalo na ang mga taga-Metro Manila at lalong higit ang mga taga-Quezon City.
Balita natin ay wala ng mga ospital sa Metro Manila o NCR ang tumatanggap ng pasyente na may COVID-19? Eh paano kaya yung ibang sakit na kinakailangan din ng atensiyong medikal sa mga pagamutan?
Kung hindi magkakaisa ang taumbayan lalong higit ang mga nasa gobyerno mapa-administrasyon man o oposisyon, isama pa ang nasa pribadong sektor, baka sapitin din natin ang kalagayan ngayon sa bansang Brazil na sa loob ng isang araw ay libu-libo ang namamatay.
Huwag naman po sana!
Ang pamamahagi ngayon ng ayuda ay ikatlong beses na. Sana man lang ay nagawan na ito ng paraan kung paano gagawing tama ang sistema at dapat ay isaalang-alang ang kaligtasan ng kalusugan ng mga babahaginan ng tulong mula sa pamahalaan.
Kailangan ba muna ng leksiyon bago umaksyon? Aanhin pa ang Damo, kung ala na ang kabayo? Hay naku!!!
Isip-isip din minsan, sumunod po tayo sa minimum health standard para sa ating kaligtasan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o kaya magtext sa 0956-951-00-57.
