NAKAKAHIYA SA MAGIGITING NA PINOY

GINUNITA natin ang Araw ng Kagitingan ng mga Filipino na nakipaglaban at nagbuwis ng buhay para mapalaya ang Inang ­Bayan sa kuko ng mga Hapon noong World War II.

Base sa mga ­historians, halos isang milyon ang namatay sa Pilipinas nang biglang atakehin ng Japan ang bansa habang binobomba nila ang Pearl Harbour ng Estados Unidos.

Sa nasabing bilang, 900,000 sibilyan ang namatay at 57,000 militar naman ang nasawi sa loob halos nang apat na taong pananakop ng Japan sa Pilipinas. Kaya taon-taon ay ginugunita natin ang kanilang kagitingan.

Lumaban ang mga ito sa puwersa ng Japan para mapalaya ang bansa na ang kapalit ay ang kanilang buhay kaya nararapat lamang na kilalanin sila sa kanilang kagitingan.

Hindi ko tuloy maatim na isipin bakit marami sa mga lider ng ating bansa ang ayaw ipaglaban ang ating bansa laban sa China na ­inaatake ang ating ­teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Walong teritoryo na natin ang sinakop ng China sa West Philippine Sea kasama na ang Bajo de Masinloc o ang Scarborough Shoal at gusto na namang kunin sa atin ang Julian Felipe Reef.

Hinahabol at pinagtatabuyan pa ng mga Chinese Coast Guard na armado ng missile ang ating mga kababayan sa loob ng ­teritoryo na napakalaking insulto sa Lahing Kayumanggi.

Sila na nga ang nakikinabang sa mga likas na yaman na para lang sana sa mga Filipino at ngayon sinisira pa nila ang karagatan. Inaagawan na nila ng kabuhayan, kayamanan at pagkain ang mga Pinoy.

Pero wala tayong ­naririnig sa mga matataas na lider ng ating bansa. Nakakabingi ang kanilang katahimikan gayung sila dapat ang manguna na ipaglaban ang ating bansa tulad ng pakikipaglaban ng mga Filipino noong World War II.

Parang hindi na sila nahiya sa mga Pinoy na nagbuwis ng buhay kaya lumaya tayo sa Japan. Hindi rin sila nahiya sa mga unang lumaban para makalaya tayo sa Espanya at maging sa Amerika.

Nanumpa sila na ipagtatanggol ang soberenya ng Pilipinas pero hindi nila ginagawa ang kanilang ­sinumpaang tungkulin at patuloy silang nagpapauto sa China na saksakan ng pagkatuso.

Kung tatanungin mo ang mga Filipino, nagkakaisa ang marami na ilaban ang Pilipinas pero may mangilan-ngilan ang sumusuporta sa pananahimik ng ating mga lider dahil wala raw tayong laban sa military power ng China.

Hindi lang naman sa giyera puwede tayong lumaban. Hindi na ito panahon ng Roman Empire na laging giyera ang sagot sa pananakop ng mga mas malalakas na puwersa.

Puwede namang idaan sa legal ang giyera at napatunayan na natin na mas epektibo iyon nang manalo tayo sa kasong isinampa natin laban sa China sa pananakop nila sa WPS.

Kaso may mga lider tayo na ayaw masaktan ang China dahil kaibigan daw nila at naniniwala sila sa lahat ng sinasabi ng China at nagpapauto naman tayo sa kanila. Pinagtatawanan lang nila tayo.

Mula nang maging Presidente nila si Xi Jinping ay naging gahaman na sila. Kung puwede lang nilang angkinin ang buong ­mundo, gagawin nila. Ganyan ­naging gahaman ang China mula nang maging lider nila si Xi Jinping.

247

Related posts

Leave a Comment