PANANAGUTAN SA BAYAN

MALAYO pa ang itinakdang petsang hudyat ng simula ng pangangampanya sa hanay ng mga pulitikong layon ay makahikayat ng botong sa kanila’y mag-aangat at tutupad sa masidhing pangarap.

Taliwas naman ito sa mga nakikita’t nagaganap. Mga aspirante, kanya-kanyang ikot, kanya-kanyang pautot. May nagpapamudmod ng pera, mayroon din naman sukdulan kung mangako sa kumpulan ng mga taong sa kanila ay boboto.

Ang siste, dinudumog at kinukuyog ang mga damuhong hanap ay mapansin ng publiko, bagay na tila nakababahala na para bang nanunukso sa COVID-19 ng ganito – Narito kami para sa iyo, kahit pa kami tamaan at magpositibo!

Sa puntong ito makikita ang kawalang malasakit ng mga pulitiko at opisyal na tila walang pakialam kahit pa ang mga botanteng sinusuyo ay magkasakit.

Dangan naman kasi, ang minimum public health protocols ay winawaglit sa gitna ng mga taong dikit-dikit. Hay naku, huwag naman sana kalimutan na ang nakamamatay na karamdaman ‘di pa naman tayo ganap na nililisan.

Kung ganyan na ang kalakaran ngayong malayo pa naman ang halalan, paano pa kaya kung opisyal na ang pag-arangkada ng kampanyahan?

Tila wala rin namang magawa ang Commission on Elections (Comelec) na aminadong walang legal na basehan na sila’y ­madiskwalipika.

Ayon mismo kay James Jimenez na tumatayong tagapagsalita ng Comelec, hindi pa opisyal na kandidato ang mga nagsumite ng certificate of candidacy kaya naman hindi pa sila masasabing lumabag sa umiiral na ­Omnibus Election Code – sa kabila pa ng isinasagawang caravan, ayuda o kahit ano pang aktibidad na mistulang kampanya ng mga aspirante sa iba’t ibang pwesto sa gobyerno.

Aniya, walang batas na nilalabag ang mga pulitiko hangga’t hindi pa naisasapinal ang talaan ng mga opisyal na kandidato.

Bagama’t walang ano mang pananagutan ang nasabing mga pulitiko sa masigasig na pag-iikot sa mga lugar na mayaman sa boto, malinaw na sila’y mitsa ng nakaambang delubyo.

213

Related posts

Leave a Comment