NANAWAGAN ang pinakamalaking alyansa ng mga unyon at organisasyon ng mga manggagawa sa bansa kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng ayudang-pinansiyal ang lahat ng mamamayang Filipino maliban sa mga milyonaryo.
Sa kanilang kalatas, inihayag ni Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng Nagkaisa Labor Coalition, na “Ayuda sa lahat (aid for all) would make the system simpler and more equitable compared to a targeted system that requires social segregation for meeting its target.”
Ang sinasabi ng Nagkaisa na “lahat” ay mga pamilya ng manggagawang regular at kontraktuwal, overseas Filipino workers (OFWs) at middle class.
Ani Matula, pangulo rin ng Federation of Free Workers (FFW), higit na mainam kung paiiralin ni Duterte ang “universalization” ng tulong pinansiyal ng pamahalaan kaysa magkasya ito sa “target” na mabigyan.
Kasapi ng Nagkaisa ang FFW.
Nitong Biyernes hanggang Linggo, umabot sa 3.7 milyong “household” o kabahayan na pawang kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nabigyan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P5,000 hanggang P8,000 na Social Amelioration Program (SAP).
Mahigit P16 bilyon ang inisyal na inilabas ng DSWD para sa 3.7 milyong kabahayan mula sa P275 bilyong inilaang pondo para sa pagpapairal ng bagitong batas na “Bayanihan to Heal as One” ngayong panahong maraming biktima sa bansa ng novel coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Aantayin pa ng DSWD ang database o listahan ng mahihirap na pamilyang Filipino na hindi kasama sa 4Ps ng pamahalaan.
Idiniin ni Matula na higit na mainam kung “lahat” ay makikinabang sa ayuda ng pamahalaan, sapagkat kung “targeted system… being implemented today, is creating a social divide at the level of communities, while every Juan and Maria is presumed to be affected by the lockdown, not everyone is qualified for government assistance as provided in the guideline.”
Ayon naman kay Renato Magtubo, tagapangulo ng Partido Manggagawa (PM), mayroong sapat na pondo ang pamahalaan upang bigyan ang lahat ng mamamayan ng ayudang pinansiyal sa ilalim ng SAP.
Ang PM ay kasapi rin ng Nagkaisa.
Ang P200 bilyong inilaan para sa SAP ay 4.87% lamang ng P4.1 trilyong badyet ng pamahalaan para sa 2020, tugon ni Magtubo.
“Kung maitatama lamang ang paggamit sa 2020 budget ay kayang punuan maging ang ekstensyon ng subsidy lagpas sa panahon ng lockdown para naman sa recovery ng mga tao at ng buong ekonomiya,” patuloy ng lider-manggagawa.
“It is truly an administrative nightmare to list down people under different categories of beneficiaries and matching into different types of programs just to avoid double-counting or worse, preventing one household from sharing a plate with another. The effect is social segregation which runs counter to the social objectives defined by the Bayanihan Act,” paliwanag naman ni Matula. NELSON S. BADILLA
