(BERNARD TAGUINOD)
HINDI naramdaman ng mga Pilipino ang P568.1 billion pondong ginamit ng Duterte administration para labanan ang COVID-19 dahil imbes humupa ang pandemya ay lalo itong lumala.
Ito ang bahagi ng nilalaman ng privilege speech ni House deputy minority leader Carlos Zarate ukol sa budget na ginastos ng gobyerno mula noong nakaraang taon para labanan ang COVID-19.
“Ayon sa DBM (Department of Budget and Management), P568.01 bilyong pondo na ang nai-release para sa COVID-19,” ani Zarate.
Kabilang aniya rito ang P386.14 billion na inilabas sa ilalim ng Bayanihan 1 at bago pa naipatupad ang nasabing batas ay gumastos na ang gobyerno ng P6.59 bilyon.
Umaabot na rin P172 bilyon ang inilabas ng DBM sa ilalim ng Bayanihan 2 at bago naipatupad ang batas na ito noong Setyembre ay nakagastos din ng P3.28 bilyon ang gobyerno.
“Dagdag pa rito, umabot na rin sa $13.338 bilyon ang utang at $26.36 bilyon ang grants na natanggap ng Pilipinas para labanan ang pandemya. Sa katunayan, ang P70 bilyon na ipambibili natin ng mga bakuna ay magmumula sa utang,” ayon pa kay Zarate.
Naiinip din ang mambabatas dahil umaabot na sa P126.75 billion ang inutang ng gobyerno mula noong Abril 2020 sa World Bank, Asian Development Bank at AIIB para pambili ng COVID-19 vaccines subalit hanggang ngayon ay puro donasyon ang natanggap ng Pilipinas.
Kasama sa utang na ito ang US$100M na inaprubahan noong Abril 2020; $500M noong Mayo 2020; $600M noong Disyembre 2020 at karagdagang $500 million, $400M at $300M mula sa nabanggit na institusyon ngayong buwan ng Marso.
Dahil dito, kung isasama ang P10 billion na budget ng Department of Health (DOH) ay umaabot na sa P126.75 billion ang pondo ng gobyerno para ipambili ng bakuna subalit hanggang ngayon aniya ay hindi pa nasisilayan kahit anino ng COVID-19 vaccines.
“Hindi maliit, kundi malaking bagay na sa kabila ng bilyun-bilyong inutang ng pamahalaan sa pagsusumamong magtiis muna, sa mga paasa na darating na ang bakuna, pero sa kasalukuyan ay umaasa lang nang lubos ang bansa sa mga donasyong bakuna mula sa COVAX Facility ng World Health Organization!” ani Zarate.
