Pangamba ng mga residente pinawi ng Phivolcs SUBDIBISYON SA LOS BANOS UMUUSOK

CALAMBA CITY, Laguna – Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang pangamba ng mga residente sa isang subdibisyon sa lungsod na ito dahil sa usok na lumalabas mula sa lupa.

Ayon sa Phivolcs, isang inactive na bulkan ang Mount Makiling kaya walang dapat ipangamba ang mga naninirahan sa paanan nito partikular sa Lakewood Subdivision sa Barangay Tadlac.

Sa pamamagitan ng Facebook, nag-post ang Phivolcs ng: “Ang nakitang steaming ay mula sa hot springs katulad ng hot spring resorts na pinupuntahan sa Laguna. Ang hot springs ay normal na makikita sa mga bulkan.”

Ito ay kahalintulad sa mga nakikita sa mga hot spring resorts sa Pansol at Calamba, Laguna.

Nauna rito, pinulong ni Mayor Tony Kalaw ang mga kawani ng Sangguniang Barangay ng Tadlac, Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), DENR-Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Homeowners Association ng Lakewood Subdivision upang matukoy ang gagawing hakbang at kung ano magiging epekto nito.

Matapos ang pagsusuri ng Philvolcs ay nabawasan ang pag-aalala ng mga residente sa kakaibang pangyayari sa kanilang lugar. (CYRILL QUILO)

166

Related posts

Leave a Comment