PANGGIGIPIT SA TAMBALANG ISKO MORENO AT CHI ATIENZA SIMULA NA?

IKINAGULAT ng mga supporter ng tambalang Yorme Isko Moreno at Chi Atienza ang inilabas na memorandum noong Enero 20, 2025 ng Manila City Legal Officer.

Nabisto lamang ang memo na inilabas ni City Legal Officer Atty. Veronica N. Lladoc nang magtipon sa isang sinehan ang mga supporter ni Yorme Isko nitong nakaraang linggo.

Nabatid na sa memo ni Atty. Lladoc, inuutusan ang mga mall administrator at katulad na establisimyento sa loob ng lungsod na payagan lamang ang miting kung may maipakikitang permiso.

Sa utos ni Lladoc, may inilabas Executive Order No. 12 Series of 2022 ang Office of the City Mayor na kailangan na kumuha ng special permit, tatlong araw bago idaos ang miting sa opisina ng city legal officer.

Sa memo, kung walang permit, hindi papayagan, pipigilan na idaos ang miting o anomang aktibidad, at ang lalabag ay may babayarang multa at may aksyon na gagawin ang pamahalaang lungsod laban sa violators.

Ipinaalam na raw niya ang memo sa Yorme’s Choice at inaasahan na gagawa ng legal na aksyon ang tropa ni Yorme Isko Moreno.

Isang netizen mula kampo ni Yorme, na ayaw pabanggit ng pangalan, ang nagpahayag na labag ang memo ni Atty. Lladoc dahil ayon sa Art. III. Section 4 ng 1987 Philippine Constitution, ibinabawal ang paggawa at pagpapasa ng batas na pipigil, hahadlang at babaluktot sa kalayaan sa pagsasalita, pamamahayag at pagpapahayag.

Kasama sa karapatang ito na ginagarantiyahan ng Saligang Batas ay ang malayang pagtitipon ng mamamayan upang magpahayag ng naisin, damdamin at karaingan pabor o laban sa pamamahalang-bayan. Ibinabawal lamang ang mga karapatang ito kung ang intensyon ay rebelyon, terorismo at kung may nalabag, may proteksyon, ayon sa batas ng libelo at cyberlibel at krimeng harassment at katulad.

Nabatid ng pahayagang ito na ilang grupo ng abogado ang takdang magharap ng reklamo sa memo ng Manila City Legal Office.

Samantala, tinawag ng kampo ng Yorme’s Choice na desperado ang pangkat ni Mayora Honey Lacuna nang tanggihan at sabihing peke ang resulta ng survey sa mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na nagpakita ng 91.5% kagustuhang ibalik sa cityhall si Yorme Isko.

Mas mataas pa si Sam Verzosa (4.5%) sa nakuhang 2% ni Lacuna sa survey na ginawa noong Enero 15-22 sa 800 iskolar ng unibersidad.

“Kaya siguro naglabas ng memo na kailangan ang special permit, para hindi na makapagmiting o makagawa ng survey na nagpapakita na kulelat si Mayora,” sabi ng isang supporter ng Yorme’s Choice.

Anila, kitang-kita ang masamang motibo ng memo, “ito ay upang gipitin at sikilin ang karapatan ng mamamayan na ipahayag ang suporta nila kay comebacking Yorme Isko.”

Idinugtong ng supporter, “Inggit na inggit kasi kaya nanggigipit, lalong magagalit ang mga tao, lalo silang matatalo.”

Sinusulat ito, wala pang opisyal na pahayag si Yorme Isko sa panggigipit na ito ng City Legal office ng Maynila. (BP)

3

Related posts

Leave a Comment