PANGMATAGALANG TUGON SA MGA SAKUNA IGINIIT

MULING iginiit ni Taguig-Pateros First District Representative Alan Peter Cayetano na kailangang mamuhunan ng gobyerno sa prevention at rehabilitation pagdating sa pagtugon sa mga sakuna. Idiniin din niya na mas kailangan ngayon ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) para mas matutukan ang kahandaan sa matitinding kalamidad.

“Ang katunayan po, kailangan natin ng isang departamento na 24/7, 365 araw sa isang taon ang tinitingnan lang, paano maging mas resilient pagkatapos ng kalamidad at paano pahusayin ang pagbigay ng relief at rehabilitasyon,” pahayag ni Cayetano.

Inihayag ito ni Cayetano sa kaniyang pagbisita sa Santa Rosa City at San Pedro City, Laguna kung saan nag-abot siya ng relief goods sa mahigit 1,200 pamilyang nasalanta ng bagyong Ulysses at sa 30 pamilyang nasunugan kamakailan sa Santa Rosa.

Ayon sa kinatawan ng Taguig-Pateros, bagama’t mas sanay na ngayon ang mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Armed Forces of the Philippines (AFP) kung paano tutugon tuwing may sakuna, kailangan pang mas bilisan at paigtingin ng buong pamahalaan ang rehabilitasyon o ang proseso ng “building back better”.

“Nakita niyo po sa Yolanda, gaano katagal bago po nakapasok ang gobyerno, ‘yung pag-transport ng gamot, generators, and everything,” dagdag ni Cayetano.

Binanggit din niya ang naging malawakang pagbaha sa Laguna, Marikina, Isabela, at Cagayan na dulot ng Bagyong Ulysses noong Nobyembre 11 at 12.

“Katulad ng nangyayari sa Laguna ngayon na napakaraming lugar na binaha, may mga lugar tayo dito, 300 families pa ang hindi pa rin makauwi dahil mataas pa rin ang tubig. Nakita din natin na mas grabe ‘yung sa Marikina, sa Isabela, sa Cagayan, pero walang long-term na plano ang gobyerno para i-address ito,” pahayag ni Cayetano.

Kumpiyansa naman si Cayetano na gagawing lahat ng mga miyembro ng bicameral committee para malagyan ng pondo sa 2021 National Budget ang mga tamang prayoridad sa halip na sa mga proyektong may “pork”. Nagsimula ang bicameral meeting nitong Martes (December 1).

Naniniwala rin si Cayetano na hindi pipirmahan ng pangulo ang panukalang budget sakaling may makita itong mga proyekto na hindi naaayon sa mga prayoridad ng gobyerno.

“Kung hindi nila ilalagay ang tamang priorities, ako’y naniniwala na ibi-veto ng pangulo. If uunahin yung pork rather than priorities, naniniwala akong ibi-veto,” pahayag ni Cayetano.

Dagdag pa niya, mas gaganda ang koordinasyon at kolaborasyon ng iba’t ibang ahensya kung magkakaroon ng iisang ahensyang mangangasiwa sa buong disaster prevention, response, at rehabilitation, kumpara sa kasalukuyang sistema sa ilalim ng disaster council.

Layunin ng House Bill 5989 na bumuo ng Department of Disaster Resilience, isang ahensya ng gobyerno na magmamando sa pangkabuuang pagtugon ng pamahalaan sa sakuna.

Kumpara sa mandato ng kasalukuyang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang panukalang DDR ay hindi lamang gagana tuwing kasagsagan ng kalamidad kundi buong taong itong nakatuon sa disaster risk reduction programs.

Umaasa si Cayetano, pangunahing may akda ng panukala, na tatalakayin din ng Senado ang panukalang batas lalo na ngayong maraming nawalan ng buhay at ari-arian dahil sa matitinding bagyo kamakailan.

Naipasa sa mababang kapulungan ang nasabing panukalang batas noong Setyembre 22, 2020 noong si Cayetano pa ang House speaker. (CYRILL QUILO)

214

Related posts

Leave a Comment