Pangongotong na-huli cam 2 TRAFFIC ENFORCER SA MAYNILA SIBAK

DALAWANG miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau na hindi na pinangalanan, ang agarang sinibak ni MTPB chief Dennis Viaje, ayon sa utos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, makaraang makunan ng video habang umano’y nangongotong sa isang motorista.

Ayon sa alkalde, sinibak ang dalawang traffic enforcer ayon sa ipinaiiral na one-strike policy ng pamahalaang lungsod at ng Manila Police District.

Ayon kay Viaje, ang nasabing enforcers ay naaktuhan sa isang video na kuha ng isang netizen habang kinokotongan ang isang truck driver sa Laong-Laan St. sa Sampaloc noong isang linggo.

Nakarating naman sa tanggapan nito ang naturang video recording at agad na ipinagbigay-alam kay Moreno.

Agad namang umaksyon si Viaje ayon sa kautusan ng alkalde, at sinibak ang dalawa sa serbisyo.

Iniutos din ni Viaje sa dalawang traffic enforcer na isurender ang kanilang IDs at uniforms na inisyu sa kanila ni Wilson Chan Sr., na siyang chief of operations ng MTPB.

“Tinanggal na ni MTPB Director Viaje ‘yung dalawang kotong enforcers para ‘di pamarisan. As you all know, our policy is one-strike policy, nothing more, nothing less. There are no second chances,” sabi ng alkalde.

Pinasalamatan ng alkalde ang netizen na kumuha ng video at tiniyak na nakarating ito sa kanyang tanggapan.

Kasabay nito, hinikayat din ng alkalde ang lahat ng netizen na tulungan ang mga kawani ng pamahalaang lungsod na linisin ang mga tiwaling kawani.

Tiniyak naman ni Moreno na ang pagkakakilanlan ng magbibigay ng impormasyon ay mananatiling confidential. (RENE CRISOSTOMO)

230

Related posts

Leave a Comment