PANGULONG DUTERTE, SINUWAY NG PHILHEALTH?

“HABANG meron tayong krisis, ang naging desisyon ng Presidente (ay) huwag na muna tayong magpataw ng karagdagang pahirap sa ating mga OFWs, lalong lalo na sa panahon na napakarami sa kanilang nawalan ng trabaho at pinauwi. Iyan naman ay nagkaroon nang mabilisang aksyon ang ating Kalihim ng Kalu sugan at sinuspinde nga ang increased collection para sa PhilHealth,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Mahigpit na pinanghawakan ito ng ating mga kabayaning overseas Filipino workers (OFWs) kung kaya labis nagpasalamat ang mga ito sa ating pangulo. Pagkakaunawa ng karamihan ay susundin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tuluyang suspindihin ang paninigil ng mas mataas na PhilHealth Premium Rate.

Ngunit ang lahat ng kaligayahan na ito ng mga OFW ay tila gumuho at napawi nang magpalabas na naman ng kalatas ang PhilHealth na bagama’t suspendido ang paniningil nito ay muli naman binigyan diin na kailangan bayaran ang balanse ng PhilHealth premium bago matapos ang taon.

Pakiramdam ng ating mga kabayaning OFW ay tila pinahupa lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang galit ng mga OFW ukol sa pagtaas ng Philhealth Premium Rate at swerte naman na natabunan ang isyu nang pagsasara ng ABS-CBN.

Marami ring OFWs ang nagsasabi na tila sinusuway ng PhilHealth ang kautusan ni Pangulong Duterte at tila hindi nito inuunawa ang ibig pakahulugan ng pangulo na huwag nang pabigatin pa ang pinagdadaanan na krisis ng mga migranteng manggagawa.

Samanta, labis naman ang pasasalamat ng mga pinuno ng iba’t-ibang samahan ng OFWs kay Senator Bong Go dahil sa kanyang pagpapatawag ng Senate committee hearing bukas araw ng Martes upang muling bisitahin at talakayin ang Universal Health Care Act.

Sasamantalahin ng AKO OFW ang pagkakataon na maibahagi ang aming pagtutol sa ilang bahagi ng Universal Health Care Act na sadyang tinututulan ng ating mga kabayaning OFW. Kabilang na rito ang mahigpit na pagtutol sa pagkategorya ng OFW bilang direct contributor na dahilan ng solo nitong pagbabayad sa PhilHealth Premium.

Bukod pa rito ay ang pagtutol sa pagtaas ng bayad na katumbas ng 3% ng sweldo at pati na rin ang pagbabayad ng interes sakaling hindi nakapagbayad sa tamang oras.

Malaki ang paghanga at suporta ng mga OFW kay Senator Bong Go, kung kaya marami ang umaasa na papanigan nito ang hiling at hinaing ng mga migranteng Filipino na itinuturing na mga “bagong bayani”.

Sa isyung ito, pwede nang simulan ng mga OFW ang kanilang pagpapakita ng pagkakaisa sa pamamagitan nang sabay-sabay na paglalathala ng ‘NO TO PHILHEALTH RATE INCREASE’ sa mga social media upang maiparating kay Senator Bong Go ang tunay na boses ng mga OFW bago magsimula ang pagdinig sa Senado bukas.

239

Related posts

Leave a Comment