PANIBAGONG BANTA

MATAPOS gumugol ng tinatayang P5 trilyon kontra pandemya at pagpanaw ng mahigit 60,000 katao, mukhang mauuwi lang sa wala ang mga pagsisikap ng pamahalaan laban sa nakamamatay na karamdaman sa gitna ng panibagong banta ng Omicron Sub-variant.

Sa pag-aaral ng mga dalubhasa sa siyensya at medisina, higit na mabilis makahawa ang ­Omicron Sub-variant na nakita sa isang dayuhang lumapag sa bansa nito lamang unang linggo ng Abril.

Kung ang isang pasyenteng positibo sa Omicron variant ay may kakayahang makahawa ng 11 iba pa, gaano pa kaya ang Omicron Sub-variant?

Wala na sa Pilipinas ang 52-anyos na ­Finnish national subalit nag-iwan ang banyaga ng ­matinding takot dala ng sakit na umano’y kanyang taglay papasok sa bansa.

Sa paunang datos ng Department of Health (DOH), pumalo na sa 44 katao ang naitalang close contacts matapos maglibot ang banyaga sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Ang tanong – ilan ba sa kanila ang nahawaan ng naturang banyaga, at ilan katao pa ang na­pasahan ng nakamamatay na karamdaman? Sa ibang bansa ba talaga nakuha ng naturang dayuhan ang tumamang sakit sa kanya? O baka naman mayroon na tayo rito sa Pilipinas bago pa man siya lumapag sa bansa?

Higit pa sa banta ng Omicron Sub-variant ang dapat tutukan ng pamahalaang tila abala sa nalalapit na halalan.

Una ay ang matamlay na pagbabakuna at ang kawalang ingat ng mamamayang nakikigulo sa malapiyestang kampanya kung saan halos magkapalit na ng mukha ang mga dumadalo sa mga pagtitipon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Bagama’t nananatili pa rin naman ang restriksyong inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, nakalulungkot isiping tila hindi naipatutupad nang tama ng mga ahensya ng gobyerno ang mga pag-iingat kontra pandemya.

Ang siste, promotor pa ng mga kabi-kabilang pagtitipon ang mga partido at kandidatong ka­lahok sa halalan sa Mayo. Okey lang naman kung may mga pagtitipon kung kaya nilang kontrolin at ipatupad ang minimum public health and safety protocols – kaso nga lang, tila wala naman silang pakialam lalo pa’t ang mahalaga sa kanila ay ang makita ang suporta ng madla.

Hindi pamantayan ng mahusay na lider ang pagpapakita ng pwersa. Mas mainam kung tunay na pagpapahalaga sa buhay at kaligtasan ng mga botante ang ipamalas nila.

181

Related posts

Leave a Comment