PANIBAGONG ‘PAHIRAP NG LTO’ Pinapara sa Kamara

PINAHIHINTO sa mababang kapulungan ng Kongreso ang tila panibagong pahirap ng Land Transportation Office (LTO) sa taumbayan lalo na’t nasa gitna pa ng pandemya ang bansa.

Ayon kay Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva, dapat itigil ng LTO ang kanilang plano na obligahing sumailalim sa seminar ang lahat ng mga driver na magre-renew ng driver’s license.

Unang inanunsyo umano ng LTO-Region XI ang plano nilang ito dahil ipatutupad na ang 10-year validity ng driver’s license at agad nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na proposal pa lamang ito.

“Though the DOTr has already clarified that such mandatory seminar is just a proposal for now, we appeal to the LTO to hold in abeyance any such plan while the entire country is grappling with the COVID-19 pandemic,” ani Villanueva.

Sinabi ng mambabatas na panibagong pahirap lang ito sa mga magre-renew ng lisensya dahil karagdagang gastos ito sa kanila at tiyak na lalo silang maaabala.

Maliban dito, posibleng maging dahilan aniya ang seminar na ito para lalong kumalat ang COVID-19 dahil kailangan ang personal na attendance ng mga tao.

Sinabi naman ni Rep. Domingo Rivera ng Cibac party-list na hindi ito tutol na magkaroon ng refresher course ang mga driver subalit hindi umano ito ang tamang panahon.

Huling nakatikim ng pagkastigo ang LTO sa Kongreso nang isapribado ng mga ito ang Motor Vehicle Inspection System (MVIS) kung saan pinagagastos ng P1,800 ang bawat motorista para masuri ang sasakyan bago ito iparehistro muli.

Wala sa batas na puwedeng isapribado ng LTO ang pag-iinspeksyon ng mga sasakyan. (BERNARD TAGUINOD)

245

Related posts

Leave a Comment