‘FISHING EXPEDITION’ CLAIM NG KAMPO NI VP SARA, ITINANGGI NG HOUSE PANEL

ITINANGGI ng House Committee on Justice ang paratang ng kampo ni Vice President Sara Duterte na nagsasagawa ito ng “fishing expedition,” iginiit na ang mga dokumentong pinasusumite ay bahagi ng public records.

Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, miyembro ng justice panel, may malinaw na batayan ang komite sa paghingi ng mga dokumento.

“Alam naman po natin na entitled sila sa kanilang opinyon. Pero malinaw ang mga facts. May kailangang ipaliwanag ang ating pangalawang pangulo sa discrepancy sa kanyang SALN noong 2007 at 2024,” ani Ridon.

Dagdag pa niya, hindi maituturing na “fishing expedition” ang hakbang ng komite dahil may pinaghuhugutan itong dokumento.

“Fishing expedition lang po ‘yan kung wala tayong pinagsisimulang dokumento. Ang problema, mayroon—at nasa SALN mismo ng pangalawang pangulo,” aniya, sabay banggit sa umano’y biglaang pagtaas ng yaman nito batay sa mga isinumiteng SALN.

Sa pagdinig ng impeachment complaint, iniutos ng komite ang pagsubpoena sa Office of the Ombudsman upang isumite ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte.

Pinasusumite rin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC) ng kanyang tax records at business records.

Iginiit ni Ridon na mahalaga ang mga dokumentong ito upang masuri ang alegasyon ng unexplained wealth.

Samantala, ipinagtanggol din ni House Committee on Justice Chairman Rep. Gerville Luistro ang hakbang ng komite.

Ayon kay Luistro, may sapat na batayan ang pagpapalabas ng subpoena matapos ideklarang sufficient in form, substance, at grounds ang impeachment complaint.

“The committee already ruled on the existence of sufficient basis to proceed to hearing proper, that includes the issuance of subpoena,” ani Luistro.

Nauna nang sinabi ni Duterte na ang impeachment proceedings laban sa kanya ay isang “fishing expedition.”

(TINA MENDOZA)

74

Related posts

Leave a Comment