MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
WALANG makapagsasabi sa akin kung paano at kailan nagsimula ang survey-survey na ito tuwing may eleksyon o bago umarangkada ang election period, na tila may pinapaborang kandidato na hindi mo alam.
Dati ang alam ko lang na nagsu-survey ay ang mga tauhan ng National Statistic Office (NSO) na ngayon ay Philippine Statistic Authority (PSA), na nagbahay-bahay para alamin kung ilan ang mga nakatira sa bahay na ‘yun, ilang ang may trabaho, ilan ang tambay.
Pero ngayon ay may mga election survey na at ang matindi, parami nang parami ang survey firms na biglang nagiging aktibo kapag malapit na ang eleksyon kaya hindi mo maiwasang magduda sa kanila.
Ang matindi ha, hindi tulad ng PSA na personal na pinupuntahan ang mga bahay, ang survey firms kuno na ito ay magtatanong lang ng 1,200 hanggang 1,800 na tao at may mga reklamo pa ang given na mga tanong at pabor sa isang indibidwal na tila nais nilang maging senador.
Mantakin nyo ha, 75,940,535 ang registered voters sa buong Pilipinas pero ang tatanungin lang ay 1,200 hanggang 1,800 tapos palalabasin ng survey firms na sina ganitong mga kandidato ang mananalo dahil pinili sila ng 1,200 hanggang 1,800 na tinanong namin! Paano kung bias ang mga tinanong o tauhan din ng mga kandidato?
Ang tagal ko na rito sa Metro Manila, wala pang nagtanong sa akin kung sino ang iboboto kong kandidato sa Senado. Kahit ‘yung mga kasamahan ko sa trabaho ay hindi pa sila natatanong sa ganitong uri ng survey. Hindi ko matanggap na kasama ako sa kakatawanin ng 1,200 hanggang 1,800 na respondents ng survey firms.
‘Yung mga lumalabas naman sa mga survey, ngayon pa lamang ay astang senador na. Hindi pa nagdedesisyon ang halos 76 milyong botante ay senador na ang tingin sa kanilang sarili. Hindi pa man, yabang na agad!
Dapat siguro i-regulate ang ganitong uri ng survey kapag panahon ng eleksyon dahil parang mind conditioning na ang nangyayari eh. Ang daming senatorial candidate ang kwalipikadong maging senador pero dahil sa survey-survey na ito ay hindi sila napapansin. Hindi mo rin alam kung isinasama talaga sila sa survey.
Karaniwang nagkakamali tuloy ang mga botante sa pagpili ng mga kandidato dahil karamihan sa ating mga botante ay nakikisabay sa agos lang kung baga, at nakondisyon na ang kanilang isip dahil sa survey-survey na ‘yan.
Ipinagmamalaki natin na ang eleksyon ay puso ng demokrasya pero anong demokrasya kung kinokondisyon at nakokondisyon na ang isip ng mga tao kung sino ang dapat nilang iboto dahil sa mga survey na ito?
Bakit hindi natin hayaan ang mga botante na pumili ng kanilang kandidato na hindi naiimpluwensyahan ng survey? Parang dinidiktahan na kasi ang mga tao kung sino ang dapat iboto eh.
Dapat na rin sigurong mag-self restrain ang mainstream media sa pagre-report ng resulta ng survey dahil nagagamit sila ng survey firms na ito at nagiging kasangkapakan sila pagkokondisyon at pag-iimpluwensya sa mga botante.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)