MALIBAN sa mga walang access sa internet, halos lahat ng mga tao ay nakatutok sa social media sa pag-asang makabasa ng mga impormasyon na magbibigay sa kanila ng pag-asa sa gitna ng pandemya.
Maraming mga impormasyon hinggil sa resulta ng pag-aaral na ang Omicron ay huling variant na ng COVID-19 na hinayaan ng China na kumalat sa buong mundo at nagpabagsak sa ekonomiya ng lahat ng nasyon kasama na ang Pilipinas.
Halos lahat ng mga tao ay nagkaroon na ng sintomas ng COVID-19 pero hindi na sila nag-report dahil mild lang naman ang kanilang naramdaman at hindi nalagay sa panganib ang kanilang buhay.
Nagkaroon na raw ng natural immunity ang mga tao sa virus at saka mayorya na ang nabakunahan kaya mula sa pandemic ay naging endemic na lamang, ibig sabihin, itinuturing na ordinaryong sakit na lang ang COVID-19 at kailangan lang ng bakuna kada taon tulad ng flu vaccines na ibinibigay sa mga tao.
May anti-viral tablets na rin na pangontra sa COVID-19 at may mga bansa na ang nagbubukas na tulad ng Inglatera. Inalis na nila ang lahat ng health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask.
Kaya nakatanaw ng pag-asa ang mga tao sa mundo na sa wakas ay makakabalik na sila sa normal nilang pamumuhay pagkatapos ng halos dalawang taong pagdurusa sa COVID-19 pandemic.
Pero ang natatanaw na pag-asa na ito ng mga tao ay tila sinisira mismo ng World Health Organization (WHO) dahil sa sinasabi nila na ang Omicron ay hindi huling variant ng COVID-19.
Teka, hindi ba ang WHO ay itinatag para proteksyunan ang sangkatauhan laban sa anumang pandemya? Anong ginagawa nila para mapigilan ang pandemya na darating pa?
Kung talagang ang misyon ng WHO ay para pangalagaan ang kalusugan ng mga tao sa mundo, bakit hindi nila napigilan ang COVID-19? Bakit hinayaan nilang kumalat iyan sa mundo?
Ang pagkakaalam ng marami, hindi naman ang WHO ang gumagawa ng mga bakuna at gamot laban sa anumang uri ng sakit kundi ang pharmaceutical companies na lalong yumayaman ang mga may-ari kapag nagkakaroon ng pandemya.
Sila lang ang sumusuri sa mga gamot na ginagawa ng companies at sila ang bumibili ng mga gamot na iyan para ipamudmod sa mga bansang apektado ng anumang sakit.
‘Yung pananakot ng WHO, ibig sabihin meron silang nakikita kaya dapat nilang pigilan dahil trabaho nila yan! Kaya ang daming nagdududa sa organisasyon na ito eh!
