PANTY, BRIEF KAPOS NA SA EVAC CENTERS

taal evacuation center

KINAKAPOS na sa gamit panloob ang libong evacuees na nanunuluyan sa mga evacuation center.

Sa paglilibot ng mga opisyal ng pamahalaan sa ilang evacuation centers na umabot na sa mga bayan ng Cavite ay lumalabas na bukod sa pagkain ay  pangunahing pangangailangan ng mga tao ang mga sanitary and hygienic supplies para sa mga evacuee at kabilang dfito ang panties, bra, brief at diapers.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development at  Citizens’ Disaster Response Center, kailangan tratuhin nang may dignidad ang mga survivor  ng pag-aalburoto ng bulkan.

“To those who are donating, please donate clothes that other people can still use… Let us treat the survivors with dignity,” ayon sa Citizens’ Disaster Response Center.

Ayon kay General Trias PASCAM 2 Barangay Captain Jesuito Fauni, ganito rin ang direktiba sa kanila nina Mayor Antonio  “Ony”  Ferrer at Congressman Luis “Jon-Jon” Ferrer na itrato na parang nagbabakasyon lamang ang mga evacuee.

BAWAL PANG UMUWI

Pinayuhan ng Phivolcs ang libu-libong mga nagsilikas sa Tagaytay na manatili muna sa evacuation centers, dahil malaki pa rin umano ang posibilidad ng isang “hazardous explosive eruption” mula sa Bulkang Taal.

Sa nagdaan umanong 24-oras, nagpalabas ang Taal ng “steady steam emission and infrequent weak explosions” na nagbubuga ng 500 hanggang 1,000-meter-tall ash plumes.

Sinabi pa ng Phivolcs na nakapagtala na sila ng 787 volcanic quakes.

Ang sinasabing “intense” seismic activity ay nangangahulugan na may magma na patuloy na dumadaloy papunta sa bunganga ng bundok.

DAAN-DAANG PAGYANIG

Umakyat naman sa halos 800 volcanic earthquake ang naitala sa Bulkang Taal sa loob ng 24 oras kasabay ng patuloy na pagbubuga ng usok at abo mula sa bunganga nito.

Sa ipinalabas na pinakahuling bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mayroong 787 volcanic quakes ang naitala ng Taal Volcano Network hanggang alas-singko ng madaling araw kahapon.

Nakataas pa rin ang Alert Level 4 sa Taal Volcano na ang ibig sabihin ay malaki ang posibilidad na magkaroon ng mapanganib na pagsabog ano mang oras o araw.

BANTA SA KALUSUGAN

Hindi pa rin nawawala sa himpapawid ang abo na ibinuga ng Bulkang Taal at mapanganib pa rin ito sa kalusugan ng tao.

Ito ang binigyang-diin ni Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Ma. Antonia Bornas bilang paalala sa mga tao na magsuot pa rin ng face mask.

Partikular na pinatutungkulan ni Bornas ang mga patungo ng Tagaytay City at mga kalapit bayan sa Cavite at Batangas.

Nadagdagan pa ang bilang ng mga namatay na bakwit sa gitna ng pag-aalburuto ng bulkang Taal.

Nasawi matapos atakihin sa puso nitong Sabado ng gabi ang 70-anyos na si Benny Mendoza, residente ng Barangay Banyaga sa bayan ng Agoncillo, Batangas.

WINDOW HOURS ITIGIL

Matindi ang peligro ng bulkan na nakataas sa Alert Level 4 kaya’t hindi na umano dapat pinapayagan pa ang mga residenteng inilikas na bumalik sa kani-kanilang bahay kahit pa sandali lang.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ang Alert Level 4 ang pinakahuling babala na itinataas ng Phivolcs na ang ibig sabihin ay delikadong mayroong maiwang buhay sa danger zone.

Wala aniyang makaliligtas kahit pa ang mga magre-rescue kung dumating ang pagkakataon na sumabog muli ang bulkan sa kasagsagan ng paglilikas ng mga hayop o pagbitbit ng mga ari-arian ng mga residenteng bumalik sa kanilang bahay.

Ipinanukala pa ni Salceda sa gobyerno na bilhin na lang ang mga hayop na pilit na binabalikan ng mga residente dahil ito ang kanilang kabuhayan. JESSE KABEL, KIKO CUETO, JG TUMBADO

151

Related posts

Leave a Comment