PANUKALA SA PAG-ANGAT SA KABUHAYAN DAPAT PAG-ARALAN

MATAPOS ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila, Laguna, at Bataan, nag-desisyon ang COVID-19 Interagency Task Force (IATF) na ibaba sa MECQ ang restriksyon sa nasabing mga lugar. Ito ay simula sa ika-21 ng Agosto hanggang sa katapusan ng buwan para sa Metro Manila at Laguna. Samantala, sa ika-23 ng Agosto magsisimula ang MECQ sa Bataan.

Kaugnay nang patuloy na pagkalat ng COVID-19, umabot sa 17,231 ang bagong kaso noong ika-20 ng Agosto.

Ito ang ­naitalang pinakamataas na bilang ng bagong kaso sa loob ng isang araw mula nang nagsimula ang pandemya. Naitala rin ang pinakamataas na ­positivity rate ng bansa sa antas na 26.1% sa parehong petsa.

Tiyak na matindi na naman ang negatibong epekto ng MECQ sa ating ekonomiya.

Nauna nang ipinahayag ni Socioeconomic Planning ­Secretary Karl Chua na hindi bababa sa P150 bilyon kada linggo ang maaaring mawala sa ­ating ekonomiya sa pagpapatupad ng ECQ at MECQ. Ang halagang ito ay masyadong ­malaking ­kawalan para sa isang ­umuunlad na bansa gaya ng Pilipinas.

Nagpahayag naman ng panukala si dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos kaugnay ng pagpapatupad ng lockdown sa bansa.

Hinikayat nito ang pamahalaan na pababain ang restriksyon para sa mga indibidwal na kumpleto na ang bakuna upang makatulong ang mga ito sa pagpapatuloy ng takbo ng ekonomiya. Kailangan lamang masiguro na susunod ang mga ito sa mga panuntunang pangkalusugan at pangkaligtasan na ipinatutupad ng pamahalaan.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 ­Deputy Chief Implementer Vince Dizon, hindi bababa sa 41% ng mamamayan sa NCR, na kwalipikadong makatanggap ng bakuna, ang kumpleto na sa doses nito. Kung ang 41% na kumpleto sa bakuna ay hahayaang magtrabaho sa kabila ng MECQ, malaking kabawasan din ito sa negatibong epekto ng lockdown sa ekonomiya na binanggit ni Sec. Chua.

Kailangang muling pag-aralan ng pamahalaan ang kasalukuyan nitong istratehiya.

Kung pati ang mga indibidwal na kumpleto sa bakuna ay patuloy na paghihigpitan ng pamahalaan, tila balewala ang pagpapabakuna ng mga ito. Bilang pangmatagalang solusyon, kinakailangang mas paigtingin pa ng pamahalaan ang ­pamamahagi ng bakuna upang mas marami ang maging protektado laban sa ­COVID-19. Ayon sa DOH, halos 13 ­milyong ­indibidwal pa lamang ang kumpleto sa bakuna.

Malayo pa ito sa target na higit 70 milyon sa pagtatapos ng taon upang makamit ang herd immunity. Mas maraming protektado, mas ligtas at mas madali para sa pamahalaan ang muling buksan ang ekonomiya.

204

Related posts

Leave a Comment