Panukala umusad na sa Kamara VACCINATION GAWING MANDATORY

SISIMULAN na umano ng Kongreso ang pagdinig sa panukalang gawing mandatory ang pagbabakuna na inakda ni Dasmarinas Rep. Elpidio Barzaga at sinoman ang tatanggi ay pagmumultahin o ikukulong.

Ito ang nabatid kay Barzaga sa isang radio interview, subalit nilinaw nito na iiral lang ang batas sakaling aprubahan ang kanyang panukala, kapag may sapat na supply na ng bakuna sa bansa.

Base sa House Bill (HB) 9252 o Mandatory Vaccination Program na inakda ni Barzaga, ang ayaw magpabakuna ay pagmumultahin ng hanggang P50,000 o makukulong ng hindi lalagpas ng isang taon.

“Kung saka-sakaling nakita na natin na sapat na ang supply ng vaccine at marami sa ating mga kababayan ang ayaw pa rin magpabakuna, perhaps that will be effective and provide for a mandatory vaccination,” ani Barzaga.

Inamin ng mambabatas na sa ngayon ay hindi pa sapat ang supply ng bakuna subalit marami umanong mamamayan ang ‘choosy’ kaya may mga hindi sumisipot sa vaccination centers kapag nalaman nila na Sinovac ang ibabakuna sa kanila.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa taumbayan na tanggapin kung anong bakuna aniya ang meron dahil “the best medicine is the one infront of you” at para maproteksyunan aniya ang mga ito, hindi lang ang kanilang sarili kundi ang kanilang pamilya at komunidad sa kabuuan.

Samantala, ipinanukala naman ni House Asst. Majority Leader Nina Taduran sa local government units (LGUs) na puntahan na lamang sa kanilang mga bahay ang mga senior citizen para bakunahan.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil maraming senior citizens aniya ang nakikita niyang nahihirapan sa pagpila sa vaccination centers lalo na ang mga may karamdaman.

“We need all the help that we can get to fast track the vaccination as the Delta variant spreads in the country. Hindi kasalanan ng mga senior citizens at iba pang priority groups kung bakit hindi pa rin sila nababakunahan hanggang ngayon. Maraming nakapila para sa schedule, wala namang tumatawag sa kanila,” ani Taduran.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos 25% o 2.1 milyon pa lamang sa senior citizens sa Pilipinas ang nababakuhanan kaya nanganganib pa sa COVID-19 lalo na sa Delta variant ang may 6.4 milyong matatanda.

“Papipilahin mo sina lolo at lola sa isang mainit na lugar para mabakunahan. Bukod sa init, hirap na yan sa matagal na pagtayo o pag-upo. Bakit hindi ang gawin ng LGU ay magbahay-bahay na sa pagsasaksak ng bakuna sa kanila para hindi na kailangang lumabas?,” ayon kay Taduran. (BERNARD TAGUINOD)

119

Related posts

Leave a Comment