PANUKALANG PAGGAMIT NG ALTERNATIVE DATA PARA MAS MARAMING PINOY MAKAKUHA NG FINANCIAL SERVICES, ISINUSULONG

MANILA, Philippines — Isinusulong ng pamahalaan ang pagtatatag ng kauna-unahang komprehensibong legal framework sa bansa para sa consumer-directed financial data sharing, kung saan maaaring magamit ang araw-araw na digital transactions ng mga Pinoy bilang patunay ng kanilang creditworthiness.

Layunin ng House Bill No. 9149, o ang Open Finance and Consumer Data Empowerment Act of 2025, na tugunan ang gap sa pagitan ng aktuwal na partisipasyon ng mga Pilipino sa digital economy at ng paraan ng mga pormal na financial institution sa pag-assess ng kanilang credit standing.

Kapag naisabatas, bibigyan nito ang mga consumer ng legal na karapatang pahintulutan ang paglilipat ng kanilang financial at transactional data sa mga accredited lender at financial service provider para magamit sa credit evaluation.

Kabilang dito ang alternative data mula sa bill payments, subscription activity, rewards card usage at iba pang transaksyon na maaaring sumaklaw sa hanggang 24 na buwan.

Ang transaction history na ito ay maaaring gamiting basehan ng mga accredited lender sa credit assessment upang magkaroon sila ng mas kumpletong larawan ng creditworthiness ng isang tao.

Partikular itong makatutulong sa mga borrower na walang existing bank loan, credit card o deposit account na maaaring gamiting basehan ng kanilang credit history.

“The digital economy has outpaced our regulatory infrastructure. Filipinos are generating rich financial data every day through their phones, their e-wallets, and their utility payments. We aim to leverage that data to democratize access to financial tools and services that have long been unavailable for millions,” pahayag ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, isa sa mga co-author ng panukala.

Suportado rin ni Todd Schweitzer, board of trustee ng Fintech Alliance Philippines, ang pagpasa ng panukalang batas. Aniya, makatutulong ang open finance upang mapalawak ang financial inclusion at mapabuti ang kasalukuyang financial services.

“Open Finance legislation matters because it accomplishes two things at once: it directly expands financial access for consumers, and it opens new markets for industry to competitively serve customers the system has ignored,” aniya.

Batay sa pinakahuling datos, umabot sa 57.4 porsiyento ng lahat ng retail payment transactions sa Pilipinas noong 2024 ang isinagawa sa pamamagitan ng digital payments, habang tinatayang 58 milyong Pilipino na ang gumagamit ng e-wallets.

Gayunman, sinabi ni Schweitzer na nananatiling underbanked at underserved ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa rehiyon.

“Filipinos are digital natives, though, and have rich data sources beyond banking data to demonstrate their creditworthiness. What’s been missing is the legal right to put that data to work, and the mandate for data-holding institutions to provide that data upon the consumer’s request. This bill arrives at the right moment: the digital rails and data privacy standards are in place, demand is clear, and this bill would establish a pioneering framework to unlock a more consumer-centric financial services industry,” aniya.

Para pangasiwaan ang pagpapatupad ng batas, isinusulong din ng panukala ang paglikha ng Consumer Data Commission o CDC sa ilalim ng Office of the President.

Hindi lamang mga bangko at financial institution ang sasaklawin ng hurisdiksyon ng komisyon. Kabilang din dito ang mga telecommunications company, utility firms at iba pang entity na nangongolekta at nagtatago ng consumer data.

Pamumunuan ang komisyon ng isang commissioner mula sa Securities and Exchange Commission o SEC, kasama ang hindi bababa sa isang deputy governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP.

Magkakaroon din ito ng mga miyembro mula sa National Privacy Commission, National Telecommunications Commission at Philippine Competition Commission, kasama ang apat na kinatawan mula sa private sector na may expertise sa banking, data protection o financial technology.

Kabilang sa mandato ng komisyon ang pagtatakda ng technical at security standards para sa data transfers, pag-accredit sa mga entity na awtorisadong tumanggap ng consumer data, pagsasagawa ng compliance audits at pagpapataw ng sanctions laban sa mga lalabag.

Inaatasan din ang komisyon na magsumite sa Kongreso ng taunang ulat tungkol sa kalagayan ng consumer data rights at pagpapatupad ng open finance.

Magsasagawa rin ito ng komprehensibong review ng batas kada dalawang taon.

105

Related posts

Leave a Comment