SENIOR CITIZENS NAITSAPWERA SA SONA?

IKINALUNGKOT ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes nang hindi marinig sa State of the Nation Address ang mga konkretong plano para sa nakatatandang populasyon ng bansa.

Inamin ni Ordanes, inasahan niya na bibigyang-suporta ni Marcos Jr. ang pagbibigay ng P1,000 universal social pension sa lahat ng senior citizens anoman ang katayuan sa buhay.

Gayundin aniya, inasam niya na mababanggit ang pagsusulong ng Geriatric Act, na magiging daan sa pagpapatayo ng National Center for Geriatric Health (NCGH).

“Wala man lang malinaw at partikular na programa na nabanggit para sa aming mga senior citizen sa SONA,” himutok ni Ordanes.

Aniya katanggap-tanggap naman ang pagpapalawak ng VAT-free medicines at YAKAP dahil maraming senior citizens ang makikinabang, ngunit walang binanggit si Marcos Jr., na partikular na pangako para sa mga 60-anyos pataas.

“Nakakalungkot na sa kabila ng malaking ambag ng senior citizens sa ating lipunan, tila nananatiling nasa gilid lamang ng pambansang adyenda ang kanilang kapakanan,” sambit pa ng mambabatas.

Nilinaw naman ni Ordanes na hindi niya sinusumbatan ang Punong Ehekutibo sa halip ay lubos pa siyang nagpapakumbaba na mabigyan ng malinaw na pansin ang pangangailangan at pangarap ng mga senior citizen.

“Bilang kinatawan ng ating mga nakatatanda, mananatili kaming katuwang ng administrasyon sa pagsusulong ng mga panukala at programang magbibigay ng mas may dignidad at dangal na pamumuhay sa kanila,” dagdag pa ng vice chairman ng House Senior Citizens Committee.

90

Related posts

Leave a Comment