NAGPASAKLOLO na ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na tumulong sa pagsakote sa foreign workers sa pinatigil na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) para maibalik ang mga ito sa kani-kanilang bansa.
Sinabi ni PAOCC spokesperson Winston John Casio, nananatiling may 38 POGOs ang legal na nago-operate sa bansa sa gitna ng POGO ban.
Sa katunayan, may mga foreign workers mula POGOs ang binigyan ng hanggang October 15 para i-downgrade ang kanilang 9G visas sa tourist visa. Mayroon lamang ng hanggang katapusan ng taon ang mga ito para umalis ng Pilipinas.
“Kami ay nananawagan, sa pakikipagtulungan ng ibang mga ahensya, lalo na sa regulatory authority ng PAGCOR, dapat kalampagin nila itong mga ito na umalis na ngayon. Bakit po? Kapag hindi umalis ang mga iyan ngayon, ang marami sa mga ‘yan ay naghahanap ng paraan paano makapag-underground at maging mga ilegal,” ang sinabi ni Casio.
“So ‘yun ang problema, habang pinatatagal po natin ang mga iyan, ay nakakahanap ng paraan ang mga ‘yan para manatili pa rin sa bansa natin. There are so many regulatory loopholes as far is gambling is concerned kaya nagmamakaawa ho kami para masunod natin ‘yung direktiba ng Pangulo na mapaalis na ito nang tuluyan,” dagdag na wika nito.
Samantala, binigyang diin ni Casio na may foreign POGO workers ang dapat nang umalis ng bansa dahil na rin sa kawalan ng working visa. (CHRISTIAN DALE)
73