Para di masira ang tradisyon tuwing Undas DALAW SA SEMENTERYO POSIBLENG PAYAGAN

IKINUKONSIDERA ng pamahalaan ang lahat ng alternatibong opsyon para sa mga Filipino na nagnanais na makabisita at madalaw ang mga namayapa nilang mahal sa buhay sa All Soul’s Day sa kabila pa rin ng banta ng COVID-19 pandemic.

Ang suhestiyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay 5-day time allowance para sa publiko na makabisita sasementeryo sa “Undas,” taunang tradisyon ng milyong Filipino.

May ilan kasing lokal na pamahalaan kabilang na ang Maynila, Marikina City at Angeles City, ang nag-anunsyo ng temporary closures ng public at private cemetery sa kani-kanilang lokalidad sa darating na Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3.

“Titingnan po natin kung mayroong mga alternatibo dahil naniniwala naman po ako na importante sa mga Pilipino ang Undas,” ayon kay Sec. Roque.

Sinabi naman ni COVID-19 policy chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na irerekomenda niya ang pansamantalang pagsasara sa lahat ng sementeryo sa All Souls’ Day bilang precautionary measure laban sa pagkalat ng virus.

“Malaki po ang problema kung magkakaroon po ng uncontrolled crowding ‘yung ating cemeteries,” ayon kay Galvez.

Irerekomenda naman ng National Task Force against COVID-19 na pagbawalan ang publiko na magpunta sa mga sementeryo sa darating na Undas.

Sinabi naman ni deputy chief implementer of the national policy against COVID-19 and testing czar Vince Dizon na wala pang pinal na desisyon dahil tinatalakay pa ito ng concerned agencies.

Ayon kay Dizon, pinag-uusapan pa ang magiging guidelines kung isasarado ba ang sementeryo pagdating ng Undas.

Samantala, sinabi ni Dizon na nirerespeto at hinahangaan ng NTF ang desisyon ni Mayor Isko Moreno na isara ang mga sementeryo sa siyudad ng Maynila.

Batay sa Executive Order No. 38, simula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3 ay pansamantalang ipasasara ang mga sementeryo sa lungsod ng Maynila upang maiwasan ang paglago at pagkakahawaan ng COVID-19.

UMAPELA

Nanawagan naman si Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares sa mga dadalaw sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay, na agahan ang pagbisita, o hindi kaya ay gawin ito bago o matapos ang Undas.

Ayon kay Mayor Ynares, batid niya na isa itong tradisyong nakagawian ng mga Pilipino, kung saan dadalaw sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay sa mga araw ng Oktubre 31 hanggang Nobyembre 3.

Pero dahil kakaiba ang sitwasyon ngayon hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19, minabuti ng alkalde na “limitahan” ang mga maaring pumasok sa mismong Undas, o mula October 30 hanggang November 3.

Ito ay para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, na madalas ay nasasalin sa droplets mula sa may sakit o mga asymptomatic. Mas mabilis itong kakalat kung madami ang mga tao o dikit-dikit.

“Hinihikayat po natin ang ating mga kababayan na magpunta at bumisita anomang petsa sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay maliban sa petsa na ating nakasanayan upang makaiwas ang pagkakasabay-sabay at pagkukumpulan,” dagdag pa ng alkalde. (CHRISTIAN DALE/CATHERINE CUETO)

183

Related posts

Leave a Comment