(BERNARD TAGUINOD)
DUDA ang isang dating mambabatas sa Kamara na bahagi ng fund raising ng administrasyong Marcos Jr. ang pinaplanong pagpapataw ng mas mataas na buwis sa pagkain ng mahihirap na Pilipino para mapondohan ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon kay dating Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, P500 billion ang pondo na nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ilagak sa MIF subalit P125 Billion pa lamang ang initial funding nito kaya kailangan nila ng pagkukunan ng bagong pera.
“This tax proposal is just another means to increase funding for the Maharlika Investment Fund, which is a questionable and controversial program,” suspetsa ni Zarate.
Base sa mungkahi ni Finance Secretary Benjamin Diokno, papatawan ng buwis ang mga pagkain na gumagamit ng asin para umano maiiwas ang mga Pilipino sa iba’t ibang uri ng sakit.
Gayunpaman, sinabi ng dating mambabatas na hindi lamang ang mga junk food ang pwedeng patawan ng buwis kundi ang mga pagkain na abot-kayang bilhin ng mahihirap tulad ng noodles, daing, tuyo at sardinas na ginagamitan ng asin.
Nagsususpetsa rin ang mambabatas na idinadahilan lang ng Palasyo ng Malacañang ang kalusugan ng mga tao dahil ang totoong layon ng karagdagang buwis na ito ay para makalikom ng pondo para sa panukalang MIF.
Samantala, sa nasilip ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na pinal na bersyon umano ng panukala, gagamitin ang dividends ng lahat ng government owned and controlled corporations (GOCCs) para mapondohan ang MIF.
Maging ang pangunahing social service entities tulad ng National Housing Authority (NHA), Employees Compensation Commission (ECC) at GOCC hospitals ay kukunan ng pondo para sa MIF.
Dahil dito, umapela si Brosas sa publiko lalo na ang kababaihan para kondenahin ang MIF dahil inilalagay umano ni Marcos sa panganib ang pera ng bayan na dapat sana ay para sa serbisyo sa mamamayan.
