INAMIN ni Secretary Francisco Duque III na matagal nang mayroong korapsyon sa Department of Health (DOH).
Ipinalagay ni Senador Richard Gordon sa rekord ng Senado ang pag-amin ni Duque, bilang patunay na opisyal ang pahayag ng kalihim sa senador, na naganap ang korapsyon sa DOH.
Nangyari ito habang dinidinig noong Nobyembre 19 sa Senado ang hinihinging badyet ng DOH para sa 2021.
Inungkat ni Gordon ang pagbili ng dengvaxia na proyektong kontra-denque na P4 bilyon ang pondo, at pagtatayo ng barangay health centers na mayroong P10.6 bilyong pondo.
Noong 2015 bumili ang DOH ng dengvaxia mula sa dayuhang kumpanyang Sanopi.
Noong 2016 nagkaroon ng kontrata ang DOH at J. Bros Construction para sa 3,200 barangay health centers.
Hindi si Duque ang kalihim ng DOH nang isagawa ang nasabing mga proyekto, kundi si Iloilo Rep. Janette Garin.
Inimbestigahan ng Senado noong 2019 ang mga isyu sa dengvaxia at barangay health centers, ngunit walang natumbok na mga opisyal ng pamahalaan na kumita sa korapayon ng dalawang proyekto sa panahon ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.
Itinanggi ni Garin noon pa man, na mayroong korapsyon sa mga proyektong dengvaxia at health centers.
Inamin ni Duque na totoong mayroong korapsyon sa nabanggit na mga proyekto sa DOH, makaraang pagbantaan siya ni Gordon na haharangin ang hinihinging badyet ng kagawaran para sa 2021 na P131 bilyon, kundi sasang-ayon ang kalihim sa kanya.
Kaya tinapos ni Gordon ang pag-uusisa kay Duque sa ganitong pahayag: “Thank you, that’s all I wanted to hear”.
Ipinasa ng Senado ang badyet ng DOH na P131 bilyon mula sa P180 bilyon ngayong 2020. (NELSON S. BADILLA)
173 