Para maiwasan sakuna sa paputok MDSW MAKIKIPAGPULONG SA POLICE STATIONS

UPANG maiwasan ang kahalintulad na pangyayari kung saan nasawi ang isang 12-anyos na estudyante dahil sa paputok, ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) ay makikipagpulong sa dalawang station commander ng Manila Police District bilang hakbang ng lokal na pamahalaan na maiwasan ang firecracker-related incidents sa mga lugar na dikit-dikit ang kabahayan, sa pagdiriwang ng Bagong Taon.

Sa panayam at pagbisita sa tanggapan ng Manila City Hall Press Club (MCHPC), sinabi ni MDSW Director Jay Dela Fuente, tututok din sila sa pakikipag-ugnayan sa mga barangay at pulisya upang maagap na masaway ang mga batang humahawak ng paputok upang mailayo sila sa panganib.

Ito ay kasunod ng pagkamatay ng isang 12-anyos na estudyante at ikinasugat din ng kanyang kaibigan na binigyan na ng agarang tulong at psychosocial support ang pamilya, matapos masabugan ng inipon nilang paputok noong Linggo ng gabi sa Lorenzo St., malapit sa kanto ng Jose Abad Santos sa Tondo, Maynila na sakop ng Police Station-7 ng MPD.

Bukod sa commander ng Station 7, kakausapin din ng hepe ng MDSW ang station commander ng Police Station 1 na nakasasakop sa malaking bahagi ng distrito ng Tondo.

Nang makarating ang ulat sa pamahalaang lungsod, agad aniyang ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na magpahatid ng financial assistance sa pamilya ng mga biktima, kabilang ang P25,000 para magamit sa pagsasaayos ng labi ng biktimang nasawi at P10,000 sa pamilya ng nasugatan.

Bukod dito, sasagutin ng ospital ng Tondo ang patuloy na gamutan ng sugatang bata.

Ayon pa kay Dela Fuente, sinagot na rin ng North Cemetery ang cremation at columbarium kung saan ililibing ang nasawing biktima.

Samantala, nanawagan si Dela Fuente sa mga magulang at komunidad na makipagtulungan upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

(JOCELYN DOMENDEN)

66

Related posts

Leave a Comment