TINUKOY ng Department of Health (DOH) na ang mga nakaranas ng anxiety o pagkabalisa at depressive symptoms ang nangunguna sa humingi ng tulong sa mental health hotline ng National Center for Mental Health (NCMH) sa mga huling linggo ng 2025.
Ayon sa DOH, nagsimula ang pagdami ng mga tawag bago pa ang bisperas ng Pasko. Pumangalawa sa mga dumulog sa hotline ang may mga suliranin sa love life o relasyon, habang pumangatlo naman ang may problema sa pamilya.
Karamihan sa mga tumawag sa NCMH Crisis Hotline ay mga indibidwal na nasa edad 18 hanggang 30 taong gulang. Sa kabuuan, umabot sa 451 mental health-related cases ang naitala mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 26.
Pinaalalahanan ng DOH ang publiko na maging mas sensitibo at mapag-unawa sa kalagayan ng iba, lalo na ngayong holiday season, na maaaring magdulot ng emosyonal na hamon sa ilan.
Samantala, tiniyak ng DOH na mananatiling bukas ang mental health crisis hotline upang magbigay ng agarang psychological first aid at libreng mental health consultation.
Maaaring tumawag sa NCMH Crisis Hotline 1553, o sa mga numerong 0919-057-1553 at 0917-899-8727.
(JULIET PACOT)
44
