KUNG nais ng pamilya Lopez na tulungan ang kanilang mga empleyado, nararapat lamang ilipat ang ownership ng ABS-CBN Broadcasting Corporation imbes na tuluyang itiklop ito.
Ito ang mungkahi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa pamilya Lopez upang hindi mawalan nang tuluyan ng trabaho ang kanilang mga empleyado matapos hindi aprubahan ang kanilang franchise renewal sa Kongreso.
“Kung nais natin matulungan ang mga manggagawa ng ABS-CBN, ang isang alternatibo ay ilipat nila ang pagmamay-ari ng korporasyon sa kanila ring “workers” upang magamit ang pasilidad ng kumpanya at ayusin ang prangkisa upang magpatuloy ito,” ani Defensor.
Naniniwala ang mambabatas na kayang patakbuhin ng mga empleyado ang operasyon ng ABS-CBN dahil sila naman aniya ang nasa likod ng matagumpay na operasyon ng network.
Dahil dito, hinimok ng mambabatas ang pamilya Lopez na ilipat ang network sa kanilang mga empleyado dahil hindi naman umano kawalan sa mga ito ang nasabing network.
“Marami pa ang mga negosyo na pinanghahawakan ng pamilya Lopez na may katumbas na bilyon-bilyong piso labas sa ABS-CBN,” ayon pa sa vice chairman ng House committee on legislative franchises at committee on good government and public accountability.
“Ang inisyatibo ay dapat manggaling sa mga taong apektabo (workers mismo), payagan ng ehekutibo at bigyan ng prangkisa ng Kongreso. Malaki ang kita ng ABS-CBN at naniniwala ako na kayang patakbuhin ng mga manggagawa nila ang negosyong ito,” dagdag pa nito.
Magugunita na hindi inaprubahan ng 70 congressmen ang franchise application ng ABS-CBN dahil sa mga paglabag sa batas at sa kanilang prangkisa kaya nagsimula nang magtanggal ng kanilang mga tao ang nasabing kumpanya.
Pero maisasalba, ayon kay Defensor ang trabaho ng mga empleyadong ito kung ilipat na lamang ng pamilya Lopez ang ownership sa kanilang mga empleyado sa lalong madaling panahon.
“Kritikal na ang mga taong nagpapatakbo ng mga programa at marketing (para sa commercial placement) kasama ang accounting (para sa pag-aayos ng bayad at gastusin) at iba pa ay magpatuloy para sa pag ere nito,” ayon pa kay Defensor. (BERNARD TAGUINOD)
215
