SA wakas ay matatanggap na rin ng mga public school teacher ang P500 na gagamitin ng mga ito sa kanilang annual medical examination at pagpapagamot sa sakit.
“We welcome the announcement of the Department of Education that they will release funds for the annual medical examination of public school teachers before the end of this school year,” ani Rep. France Castro.
Ayon kay Castro, 54 taon na hinintay umano ng mga public school teacher ang nasabing benepisyo subalit hindi napopondohan ng gobyerno mula nang maging batas ito noong 1966.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) RA 4670 o Magna Carta for Public School Teachers na ginawa pa noong 1966, bibigyan ng P500 ang bawat public school teachers para sa kanilang annual medical examination and treatment.
Gayunpaman, taon-taon aniya ay hindi pinopondohan ng Department of Budget and Management (DBM) ang nasabing batas at noong 2019 lang ito pinondohan dahil umano sa pangungulit ng mga militanteng mambabatas.
Sinabi ni Castro na kahit maliit na halaga lamang ito ay makatutulong ito sa mga public school teacher lalo na ang mga may edad na para makapagpa-check up at magamot ang kanilang sakit kung mayroon man.
Tulad aniya ng ibang empleyado ng gobyerno, karapatan ng mga public school teacher na pangalagaan ang kanilang kalusugan lalo na’t marami sa mga ito ay nakararanas ng iba’t ibang karamdaman tulad ng hypertension. BERNARD TAGUINOD
213 